Hero, napapanood na sa GMA 7!

Dumalo kami sa album launch sa Star Records ng inspirational diva na si Jamie Rivera na pinamagatang "At Her Best". Nakapaloob sa bagong album ni Jamie ang ilang mga awiting una niyang pinasikat nung siya’y nasa bakuran pa ng OctoArts International tulad ng "Hey, It’s Me," ang kanyang signature hit song, ang "I’ve Fallen For You," "Mahal Naman Kita" at iba pa. Habang inaawit ni Jamie ang mga nasabing awitin ay hindi namin mapigilan ang mag-flashback nung mga panahong nagsisimula pa lamang si Jamie sa bakuran ng OctoArts.     

Ang kaibigan naming si Gina Calaguas ang nagdala at  nagpakilala sa amin kay Jamie na ang tunay na pangalan ay Mary Jane Cruz, 18 years ago. Since may promotional show kami noon sa dating Philcite na ngayon ay Star City na, pinakanta namin si Jamie na kapapanalo pa lamang noon sa Yamaha Music Mate. In fairness, na-impressed kami sa boses ni Jamie at kami na mismo ang nagdala sa kanya sa OctoArts. Agad kinontrata si Jamie ng OctoArts to an exclusive recording contract. Nagsimulang mag-gather ng mga songs ang OctoArts para sa kanyang unang album at saka sumalang si Jamie sa recording.   

Since masyadong common ang pangalan ni Jamie na Mary Jane Cruz, nagtulong kami ng OctoArts big boss na si G. Orly Ilacad ng kanyang screen name.  Ako ang nagbigay ng pangalang Jamie na malapit sa kanyang palayaw na Jane at si Boss Orly naman ang nagbigay ng apelyidong Rivera dahil sikat na sikat noon si Charlie Masso Rivera ng Menudo. Ang awiting "Hey, It’s Me" ang kauna-unahang hit song ni Jamie at dito nagsimulang umarangkada ang kanyang singing career.  Maraming taon din ang inilagi ni Jamie sa bakuran ng OctoArts at ilang albums din ang kanyang ginawa hanggang sa siya’y mapadpad ng London kung saan siya gumanap sa papel na  Kim sa Miss Saigon na unang pinagbidahan ni Lea Salonga.  Magmula noon ay marami nang mga pagbabago sa buhay at career ni Jamie ang nangyari.  Nakakatuwang isipin na sa loob ng 18 taon ay patuloy pa rin si Jamie sa kanyang singing career at patuloy pa rin ang paggawa niya ng albums at paghatid ng mga hits.   
* * *
Kung 18 years na sa showbiz si Jamie Rivera, 22 years naman na si Gary Valenciano sa industriya. Tulad ni Jamie, may bagong album si Gary V. na pinu-promote ngayon, ang "Pure Heart" na unang album niya sa bakuran ng Star Records.  Although nakakontrata si Gary V. sa Universal Records, naging posible ito nang siya’y magpaalam sa yumaong big boss ng Universal Records na si Bella Tan at siya’y pinayagan.   

Masayang-masaya si Gary V. dahil kahit bagong release pa lamang ang kanyang "Pure Heart" album ay umabot na agad ito sa gold mark at ngayong Linggo, Oktubre 23 ay tatanggap siya ng kanyang kauna-unahang gold record award mula sa bakuran ng Star Records.  Tampok na mga awitin sa kanyang "Pure Heart" album ang "Ikaw Lamang," "How Did You Know," "Because of You," "Kailangan Kita," "My Destiny," "Kailan," "Anak," "Lift Up Your Hands," "Lipad ng Pangarap" at "Gumising Na! (Tayo’y Magkaisa)".   

Bago ang gold record award ay tumanggap si Gary V. kamakailan lang ng kanyang ika-pitong Best Performance by a Male Artist trophy para sa awiting "How Did You Know" mula sa Awit Awards at "Entertainer of the Year Award" mula sa Aliw Awards at ang kauna-unahang "Generations Award" mula sa MTV Pilipinas, isang lifetime achievement award dahil sa kanyang naging kontribusyon sa music industry.       
* * *
Napanood namin si Hero Angeles sa Unang Hirit ng GMA-7 nung nakaraang Huwebes ng umaga. Indikasyon na kaya ito na siya’y Kapuso na rin ngayon?   

Kahit may sariling pool of talents ang GMA sa pamamagitan ng kanilang GMA Artists Center, hindi maikakaila na isang asset si Hero kung ito’y madadagdag sa kanilang kuwadra dahil bukod sa may pangalan na si Hero, isa rin siyang star material na naudlot nga lamang dahil sa kontrobersiyang kanyang kinasangkutan at tuluyan siyang bitawan ng kanyang dating home studio, ang ABS-CBN Star Magic. Vocal si Hero sa pagnanais niyang makatrabaho si Jennylyn Mercado. 

Kung si Dennis Trillo na dating taga-Dos ay kilalang-kilala na ngayon simula nang ito’y lumipat sa Siete, hindi ito malayong mangyari kay Hero.      
* * *
E-mail: a_amoyo@pimsi.net

Show comments