Sa karamihan kasi ng mga nanood ng musical play na sinulat ni Floy Quintos at dinirek ni Alex Cortez, nanghihinayang na sa isang maliit na lugar, ang Wilfredo Ma. Guerrero Theater sa UP, lamang ito naipalabas.
Ngayon higit na maraming mga tao ang makakapanood ng St. Louis Loves Dem Filipinos sa pagtatangghal nito sa Aguinaldo Theater ng AFP sa November 18, 19, 20, 24, 25 at 26.
Sa muling pagtatanghal, wala pa rin itong big name stars, sa halip ay mahuhusay na stage actors na kayang-kayang gampanan ang ibat ibang karakter sa dula. Ang mga kanta dito pati na ang musika, maganda at talagang tumatagos sa puso at damdaming Pinoy. Kaya naman sa palabas nito sa UP Diliman ng kung ilang linggo, patuloy na dinumog ng mga manonood.
Sa kabuuan ng stage musical, hindi rin mapipigilan ang pagluha, dahil na nga sa magandang istorya nito na nangyari pa sa pagpapadala ng mga Pinoy sa St. Louis World Esposition noong 1904.
Para sa November run ng play, ang Librettist na si Floy Quintos, ang composer na si Antonio Africa at si Director Alex Cortez ay medyo inigsian ito. Ang dating three acts ay naging dalawa na lang.
Ang mga pagkanta sa bagong version ay aakompanyahan ng UST Symphony Orcestra sa baton ni Prof. Africa mismo. Ang dati kasing palabas sa UP, minus one lang ang ginamit nila.
May konting pagbabago din sa cast. Nadagdag ang singer na si Franco Laurel at ang TV host na si Joaquin Valdes na magpapalitan sa papel na Fred Tinawid, ang third-generation Fil-American na siyang narrator ng istorya. Ang papel na ito ay unang ginampanan ni Jake Macapagal.
Ang papel ng mabait na anthropologist na unang ginampanan ni Leo Rialp at gagampanan ni Glenn Gaerlan.
Ang lead role ng Bagobo chieftain na si Bulan, pagpapalitan pa rin gampanan nina Miguel Castro at Arnold Reyes. Ginampanan naman ang kanilang original roles nina Rina Saporsantos at Agnes Barredo bilang Maude, Mae Ann Valentin na asawa ni Bulan na si Momayon, James Paotell as Gen. Clarence Edwards at sina Raffy Tejada at Don Karingal bilang Bontoc chief na si Antonio.
Ang muling pagpapalabas ng St. Louis Dem Filipinos ay tuwing alas-8 ng gabi. Magkakaroon ng matinee shows sa alas-3 ng hapon sa Nobyembre 19, 20 at 26.
Sana matupad din ang isa kong hiling na ma-release sa isang CD ang original soundtrack ng St. Louis Loves Dem Filipino. Pwede kasing maging commercial hits ang ilang piling komposisyon dito.