Noong magsimula ng Manila Film Festival si Mayor Antonio Villegas noong araw, ang nasa isip niya ay mailabas sa mas marami at magagandang sinehan ang mga pelikulang Pilipino na noon ay kontrolado ng mga pelikulang dayuhan. Naniniwala siyang kailangan lang mabuksan ang mata ng mga Pilipino sa katotohanan na may mga mahuhusay tayong mga artista at direktor.
Noon namang mas palawakin pa ang festival at gawin sa buong Metro Manila noong 1975, ang talagang intensiyon ng noon ay Metro Manila Governor na si First Lady Imelda Marcos, at ng noon ay pangulo ng PMPPA at Mayor ng San Juan na si Joseph Estrada ay makalikom sila ng halaga para pondohan ang Mowelfund, ang foundation na tumutulong sa mga manggagawa sa industriya ng pelikula.
Ngayon hindi na kailangan ng exposure ng pelikulang Pilipino. Hindi rin naman sa Mowelfund napupuntang lahat ang kinikita ng festival. Katunayan, mas malaki ang gastos nila sa pagdaraos ng festival na yan kaysa sa napupunta sa mga beneficiaries. Kaya nga masasabing festival ay hindi na nakakatugon sa talagang layunin noon.
Hindi na rin iniisip ngayon kung ano ang magagandang pelikula. Basta kung ano ang kikita, kahit na pangit, iyon ang ipinapasok nila. Nangingibabaw din ang monopolyo ng iilang producers lamang, hindi na kagaya noong dati na lahat ay binibigyan ng pagkakataong makasali.
Sa ngayon wala na ngang magagawa, pero naniniwala kaming dapat mapag-aralang muli ang set up niyang Metro Manila Film Festival, para yan ay makatugon sa mga problema ng industriya ng pelikulang Pilipino. Kung mangyayari rin nga ang panukalang batas naipanasok ni Congressman Teddy Locsin sa kamara na naglalayong buwagin na yang MMDA, mas magiging maganda yon para sa pagbabago ng set up niyang festival na iyan.