Chaka Doll, mas sikat pa sa maraming stars

Sobrang tuwa’t saya ng buong staff ng bagong programang Kakabaka-Boo! last Monday dahil sila ang nakakuha ng pinakamataas na ratings na 29.4% sa primetime nung Linggo at natalo nila ang Mahiwagang Baul na 25.8% na siyang may hawak ng record sa araw ng Linggo.

At ang naunang planong 5 weeks lang eere ang kontrobersyal na si Chaka Doll ay nadagdagan na ng isa pang season dahil natuwa raw ang bossing ng GMA 7 sa programa dahil hindi nila expected na hahataw pala ang charm ni Chaka Doll sa mga bagets dahil suntok sa buwan ang project na ito.

Kaya naman nag-victory party ang staff ng programa nung Lunes at ngayon ay kaliwa’t kanan ang guestings ni Chaka Doll sa mga show ng GMA 7 para personal daw na magpasalamat sa viewers.
* * *
Kung nagsasaya ang GMA 7 dahil matataas ang ratings nila last Sunday ay hindi naman daw maipinta ang mga mukha ng mga taga-production ng ABS-CBN dahil halos lahat ng programa nilang umere last Sunday ay tinalo ng GMA 7.

At ang hindi matanggap daw ng mga taga-production ay ang nakamit nilang ratings ng ASAP 05 na kinunan pa sa Japan para sa Kapamilya Caravan ay nakakuha lang ng 12.4% kumpara sa SOP Music Awards 2005 na ginanap lang sa UP Theater ay nagkamit ng 23.1%.

"Maiinit ang mga ulo ng mga bossing sa production kasi naman, ang mahal-mahal ng Japan episode at take note, malaki ang nagastos ng Dos dahil hindi ex-deal ‘yun," pahayag sa amin.
* * *
Bida na si Jaycee Parker sa pelikula kaya naman ang matagal na niyang pangarap at masasabing matagal na rin niyang ilusyon ay nagkatotoo na sa pelikulang gawa sa digital film na Ilusyon.

Nakakuha ng Rated A sa Cinema Evaluation Board ang nabanggit na pelikula kaya’t abot hanggang langit ang tuwa ng neophytes directors ng pelikula na sina Paolo Villaluna at Ellen Ramos mula sa Viva Films.

In fairness, maganda ang first attempt nina Paolo at Ellen na makapag-direct ng pelikulang commercial, hindi naman halatang nag-ilusyon sila sa kanilang mga anggulo, ‘yun nga lang, medyo mabagal ang pacing at dragging ang ilang eksena pero maayos naman ang lahat sa technical aspects, pati istorya at higit sa lahat, gustung-gusto namin ang soundtrack na ginamit, nakaka-relax at nakakatuwa dahil mga Kundiman ang tugtog kunwari sa radio, pero Inglesero naman ang discjockey.

At isa pang ilusyon ay P.9M lang ang budget ng pelikula, at nagawang matapos ito in 5 days na nangiti na lang ang partner in life ni Direk Paolo na si Direk Ellen na maski paano raw ay may tinubo naman sila, "Exposures ang hanap namin at chance na maipakita namin ang trabaho namin, huli na ang pera."

At take note, approved without cuts ng MTRCB ang maseselang eksena nina Jaycee at Yul Servo na sa totoo lang, napaka-passionate ng lovescene, hindi mo mararamdamang binastos ang mga artista.

Samantala, itinanggi naman ni Jaycee na live-in na sila ng boyfriend niyang si Danilo Barrios, hindi pa raw siya allowed na gawin ito, pero aminado siyang "Natutulog siya sa bahay ko minsan, pero hindi kami live-in at ipinakilala ko na siya sa dad ko at boto naman ito sa kanya. Pakiusap lang huwag muna kaming magpakasal or magsama," pag-amin ni Jaycee. — Reggee Bonoan

Show comments