LT, Gina, Amy at Sandy, nagtayo ng sariling produksyon!

Ayon kay Lorna Tolentino, pinatawad na niya si Deborah Sun sa pagkakautang nito sa kanya ng P800,000 na halaga ng mga alahas na kinuha sa kanya. Sinabihan na nga ni LT ang kanyang abogado para iurong na ang demanda laban sa dating malapit na kaibigan dahil marami siyang blessings at sapat na yun para kalimutan ang nakaraan at patawarin si Deborah.

May gagawing sitcom si LT sa Channel 11 under VEGA Productions kung saan silang magkakaibigan ang prodyuser na kinabibilangan (bukod kay LT) nina Esmeralda (Amy Austria), Regina (Gina Alajar) at Alexandra (Sandy Andolong) kung saan sa kanila rin kinuha ang pangalan ng produksyon. Si LT ay Victoria Lorna ang tunay na pangalan.

Ang pamagat ng sitcom ay OH! Mare Ko! kung saan hinaluan ito ng ala-Golden Girls, Sex in The City at Desperate Housewives na istorya at direksyon ni Soxy Topacio.
Becky-Angel, Walang Problema
Dumalaw sa burol ng aking ama si Becky Aguila at nalaman naming wala silang problema ni Angel Locsin. Ayon sa manager, may gusto lang manira sa kanilang magandang pagsasamahan. "Intact ang pera ni Angel sa bangko at marami na itong naipundar na kabuhayan" ayon pa sa manager.

Balak ni Angel na magtayo ng restoran.
Christmas In September
Bukod sa pagpapaseksi, magaling umawit ang latest talent ng WaterPlus Productions na si Glow Garzi. Kasama siya ng D’ Bodies, D’Point Guyz, D’Point Teenz/Kids at D’Point Ola Chika sa Christmas in September concert nila noong nakaraaang Sabado sa Party Central, #141 Mother Ignacia Ave., malapit sa ABS-CBN, Quezon City.

Pangunahing endorser ng 4Life-Water Plus Family si Glow at iniintrodyus sa kanilang pangalawang pelikulang Yakapin Mo Ako Sa Dilim na dinidirek ni Baldo Marro. Inawit ni Glow ang theme song ng nasabing pelikula.

Bale ipinakilala si Glow sa concert na ito, kasama ang iba pang kapwa niya Nasty Girls na sina Carla Garcia, Sandy Cam, Kinky Soliman at Samantha Ong na nakipagpatalbugan bilang sexy back-up dancers niya.
Blind Item: Dating Pakalat-Kalat Ang Young Actor
Ayon sa isang source na kilala ang aktor kung saan ito nagpapalaboy-laboy noon bago naging artista. Patambay-tambay lang ito sa mga kalye at maraming kaibigang bading na may parlor ayon sa source. Kaya mabait ito sa kanila dahil nakakalibre ito kapag nagpapagupit siya sa parlor nila.

Hanggang dun lang naman ang drama ni young actor at wala naman itong nakarelasyong "bading" dahil babae pa rin ang hanap nito sa buhay kung saan girlfriend niya ngayon ang isa ring aktres na nakakapareha nito sa telebisyon at pelikula.

Show comments