Makunat pa sa inuyat!

Natawa kami sa kwento ng isang manager tungkol sa kanyang alaga na sobra ang kakunatan.

"May second hand siyang kotse pero ako pa ang nagpapagasolina kahit saan kami magpunta. Ayaw niyang bumunot ng pera kahit sa pagbabayad sa toll gate kapag may show kami sa probinsiya. Never din siyang nanlibre sa akin ng dinner o lunch gayung kumita siya ng malaki halimbawa sa isang raket na naibigay ko sa kanya," sey ng manager.

Ang seksing aktres ay nakalabas na sa ilang sexy movies kung saan naging bida na ito. Visible pa rin siya sa showbiz dahil sa kanyang pagiging commercial model.
Di Kagandahan Ang Boses
Kasali si Francine Prieto sa isang concert sa Le Pavilion na prodyus ni Liz Alindogan na idinaos kamakailan. Kanta at sayaw ang kanyang inihandog kung saan natuwa naman sa kanya ang audience.

Nakasama rin siya sa show noon nina Rico Puno at Cesar Montano na Bedroom Boys.

"Ang dami kong school na pinasukan para mag-aral ng voice lesson pero di pa rin kagandahan ang aking boses. Pero okey lang, madalas naman akong makuha sa mga shows at mag-front act sa mga concert," pagtatapat ni Francine.
6th Placer Sa World Hip-Hop Championship
Ang galing sumayaw ng All Stars na isang hip-hop dance group na binubuo ng 12 members. Hindi kataka-takang nananalo ito sa iba’t ibang dance contest dahil sa kanilang galing kung saan una silang lumahok sa Philippine National Championship na Maximum Groovity noong July 2005 sa Rizal Memorial Stadium at tinanghal na grand prize winner. Dahil dito, sila ang naging representative ng bansa sa World Hip-Hop Championship sa Los Angeles. Nakapasa sila sa elimination noong Agosto 20, 2005 at sa sumunod na araw ay lumaban sila sa 26 countries sa championship kung saan sila naging 6th placer.

Naging mahirap sa grupo ang makakuha ng sponsors para makarating sa US para sa world championships. Mabuti na lang at natulungan sila ng E-Real Records.

Naranasan ng grupo na wala silang kapera-pera nang pumunta ng Amerika. Ang pocket money nila ay $7 lang.

Bawat isa sa kanila ay may magandang kwento kung paano sila nagtiyaga para maabot ang tagumpay.
Bida Agad
Ipinakita sa akin ni Lyn Madrigal ang photos ng bago nilang artista na pasisikatin ng Waterplus Productions. Siya’y si Glow Garzi na bida agad sa Yakapin Mo Ako Sa Dilim. Malakas ang appeal ng aktres at magaling ding sumayaw at umawit. Katunayan, madalas itong maimbitahan sa mga out-of-town shows.

Bata pa ay pangarap na ni Glow ang maging artista at di naman siya nahirapan sa pagpasok sa showbiz dahil maraming tumutulong sa kanya.

Show comments