Pauleen at Cindy, sumikat sa GMA

Sa kauna-unahang pagkakataon ay isang live musical  special episode ang nakatakdang mapanood sa isa sa mga  top-rating sitcoms ng GMA, ang Bahay Mo Ba`To na pinangungunahan nina Tessie Tomas at Ronaldo Valdez kasama sina Gladys Reyes, Wendell Ramos, Keempee de Leon, Francine Prieto, Mike Nacua, Sherilyn Reyes, Dino Guevarra, Tiya Pusit at iba pa bilang bahagi ng first anniversary presentation ng programa.

Kabilang sa mga ispesyal na panauhin ng Bahay Mo Ba `To na matutunghayan bukas (Martes) ng gabi ay sina Diana Zubiri, Jonalyn Viray, Drew Arellano, Pauleen Luna, Sex Bomb Dancers, Viva Hotmen, Abstract Dancers, Eva Papaya at iba pa.

o0o

Hindi kaya nanghinayang ang ABS-CBN na pinakawalan nila ang young talent na si Pauleen Luna?  Tulad ni Dennis Trillo na galing din sa bakuran ng Star Network, unti-unti nang napapansin ngayon ang career ni Pauleen simula nang kunin itong mainstay ng number one and longest-running noontime show, ang Eat Bulaga. 

Bukod sa EB, kasama na rin si Pauleen sa Now & Forever TV series at Nuts Entertainment. Kinontrata rin siya ng Regal Films bilang build-up contract star. Kung na-build-up ng ABS-CBN si Kristine Hermosa bilang isa sa pinakasikat nilang contract stars, mukhang ganoon din ang direksyon na gustong tahakin ni Pauleen sa bakuran ng GMA sa tulong ng kanyang manager na si Manay Lolit Solis.  Si Pauleen ay nakatakdang isama sa isang movie na tatampukan din ng magkasintahang Mark Herras at Jennylyn Mercado at siya ang makaka-love triangle. 
* * *
Isa pang transferee sa GMA mula sa Star Network ay si Cindy Kurleto na may regular sitcom na rin sa GMA, ang Daddy Di Do Du na pinagbibidahan ng TV host-comedian-producer na si Vic Sotto.     

Kung si Cindy ang love interest ni Vic sa Daddy Di Do Du, siya rin ang kinuhang leading-lady nito sa pinakabago nitong pelikulang Ispiritista: `Tay, May MooMoo! na co-production ng Regal Films at APT Entertainment ni G. Tony Tuviera, ang big boss ng TAPE, Inc.

"Masarap ka-trabaho si Vic at isang malaking honor sa akin na ako ang napiling kapareha niya sa kanyang TV sitcom at sa bago niyang movie," ani Cindy na umaming loveless pa rin umano siya hanggang ngayon magmula nang sila’y mag-break ng kasintahan niyang si Jericho Rosales na ex-boyfriend din nina Angelika dela Cruz at Kristine Hermosa.   

Kung sa unang movie ni Cindy, ang Kristine Hermosa-Jericho Rosales movie na Ngayong Nandito Ka ay  maliit lamang ang role na kanyang ginampanan, kabaliktaran naman ito sa Ispiritista: `Tay, May Moo Moo.
* * *
"Ang kahirapan ay hindi dahilan para ang isang tao ay hindi magtagumpay kung ikaw ay matiyaga at determinado na makamit ang iyong minimithi sa buhay," pahayag ng isa sa mga top news anchors ng GMA-7 na si Arnold Clavio nang ito’y magbigay ng isang inspirational talk sa harap ng mga call center agents (telemarketers) ng Pilipinas International Marketing Services, Inc. (PIMSI) kamakailan lang.    

Tulad ng iba, nagmula rin sa mahirap na pamilya si Arnold pero dahil determinado siyang matapos ang kanyang pag-aaral at makatulong sa kanyang pamilya, naging self-supporting student siya noon at namasukan siyang taga-hugas ng pinggan ng isang kilalang restaurant chain sa may Roxas Blvd.

Marami ring hirap na pinagdaanan si Arnold pero hindi ito naging sagabal para maabot niya ang kanyang mga pangarap.   

Nagsimulang maging news writer ng DWIZ si Arnold hanggang sa siya’y ma-promote na news reporter ng nasabing istasyon.   

Ang veteran radio broadcaster na si Bobby Guanzon ang kanyang naging daan para mapunta sa bakuran ng GMA sa pamamagitan ng sarili nitong AM radio station, ang DZBB at dito nabigyan si Arnold ng mas malaking break dahil ginawa siyang radio anchor ng nasabing istasyon.  Mula sa radyo, naging daan naman ni Arnold ang Brigada Siyete, isang current affairs TV program para mapasok din niya ang telebisyon sa imbitasyon ni Jessica Soho.  

Hinding-hindi makakalimutan ni Arnold ang kanyang karanasan sa kanyang Abu Sayyaf coverage sa Basilan sa Mindanao kung saan siya umani ng mga papuri. Mula sa Brigada Siyete, siya rin ang kinuhang host ng Emergency nang mag-resign sa programa ang original host. Siya rin ang pumalit kay Mike Enriquez bilang co-anchor ni Vicky Morales sa Saksi at siya rin ang main host ng daily early morning program na Unang Hirit habang maintained pa rin ang kanyang daily morning program sa DZBB.     

Hindi rin ikinakaila ni Arnold na inalok din siya ng ABS-CBN sa pamamagitan ni Atty. Dong Puno pero ito’y kanyang tinanggihan dahil masaya umano siya sa kanyang TV career sa Kapuso Family.

Show comments