Angel, kinurot na, piningot pa!

Kabado si Angelica Jones na baka isang araw ay mag-propose na sa kanya ang boyfriend niyang si Bobby Yan at aminado naman siyang mahal na mahal niya ito at ramdam din daw niyang mahal din siya ng boyfriend.

Naikwento ng isa sa host ng It’s Chowtime Na! na may hula raw sa kanilang dalawa ni Bobby na bago dumating ang 2007 election ay magpapakasal na sila dahil kailangan na ng konsehal ng San Juan na may katuwang siya sa kanyang kandidatura. 

Pero, ayaw pang mag-asawa ni Angelica dahil nga bata pa siya sa edad na 22 at pakiwari niya ay baka hindi pa siya handang maging maybahay ni Bobby.

"Mahal ko si Bob, kaya lang parang masyado pa akong bata. Nasa marrying age na kasi siya at nabanggit na niya na ako raw ang gusto niyang makasama sa buhay. Nakakakilig at the same time, nakakatakot," paliwanag ng dalaga ni Mommy Beth Jones.

Boto naman ang mommy ni Angelica na si Bobby ang makatuluyan ng anak, ‘yun nga lang, hindi rin siya makasagot nung alamin namin na paano nga kung magyaya na si Bobby sa kanyang anak? 

"Aba’y hindi ko rin alam.  Kaya siguro napapansin ko itong si Angei, e, nagsasanay na sa gawaing bahay at sa kusina. Nagugulat ako dahil nangungusina na, dati hindi. Nakakatuwa naman at maganda ang influence ni Bobby sa anak ko, hindi na rin magastos at mahilig gumimik," kuwento ni Mommy Beth sa amin.  
* * *
Grabe ang kapal ng taong dumalo sa ginanap na Grand Kapuso Fans Day ng GMA 7 sa Iloilo at isa si Angel Locsin sa biktima ng mga nanggigil na fans dahil pinagkukurot at pinaghihila ang tenga ng dalaga nung palabas na sila ng restaurant at mabuti na lang at mabilis na umalalay sa kanya ang leading man niyang si Dennis Trillo at manager nitong si Popoy Carotativo.

Nag-aya raw kumain ang executive producer ng Darna na si Ms. Angie Castrence na akala raw nila ay mangilan-ngilan lang ang fans na sumisilip sa kanila sa bintana.

Nagulat na lang ang grupo nung lumabas sila ay hindi na sila makalabas ng restaurant dahil nakaharang na ang mga tao sa daraanan nila at kaagad nang pinaghahablot si Angel at naagapan naman kaagad nina Dennis at Popoy.

Pati sasakyang ginamit ng grupo ng Darna ay hindi rin kaagad nakaalis dahil hinarang at inaalog din.

Maski na nasaktan ang mga artista ng Darna ay masaya pa rin sila dahil maganda ang pagtanggap sa kanila ng mga taga-Iloilo at hinahanap na raw si Black Darna na ginagampanan ni Katrina Halili.
* * *
Dahil dying na ang adoptive father ni Jenny, isa sa housemates ng Pinoy Big Brother ay nagpasya na siyang lisanin ang bahay ni Kuya para bantayan ang amang maysakit. 

At dahil napabilib ni Jenny ang mga tao sa ginawa niya ay may nagkawanggawang pabaunan siya ng P100,000.00 para panggastos sa tatay niyang kasalukuyang nasa Intensive Care Unit ngayon.

Nung Linggo ng gabi ay ipinakilala na si Sam, ang bagong housemate na kapalit ni Jenny at ang dalawang kandidatong gustong palayasin sa bahay ni Big Brother, sina JB at sa pangalawang pagkakataon, si Racquel.
* * *
Nang huli naming makausap si Janice De Belen sa set ng Sis ay napansin naming malaki na ang ipinayat niya at natuwa pa nga siya nung binati naming pumapayat na siya.

Aminado siyang nage-effort siyang magpapayat dahil kailangan niya at nakakaramdam na rin ng hindi maganda dahil nagkaka-edad na.

Kaso nabalitaan namin sa mga taga-Sis na pinakyaw pala ni Janice ang mga dalang imported chocolates ni Dra. Vicki Belo na i-dinonate nito sa isinasagawang tiangge ng nabanggit na programa para sa Kapuso Foundation.

Inisip na lang namin na para sa mga anak ni Janice ang mga biniling tsokolate at hindi sa kanya dahil paano siya papayat ng husto kung siya pala ang kakain nun? REGGEE BONOAN

Show comments