Trip daw ng mga walang magawa ang tsikang live-in sina Alessandra at Jeremy!

Isa pang show ng Ch. 11 Quali TV ay ang Moms na magkasamang iho-host nina Lani Mercado at Sherilyn Reyes. As the title suggests, tungkol ito sa homemaking, children rearing at kung anu-ano pang tips sa maayos na pamamalakad ng bahay.
* * *
Matutuwa si Mother Lily kay Jay Manalo dahil concerned ito sa kanya at sa Regal Entertainment. Gusto nitong matapos na ang shooting ng Ako, Legal Wife para hindi matuloy ang balak ng lady producer na isara na ang kanyang film company.

Nabanggit daw ni Mother Lily na iiwan na nito ang pagpo-produce dahil pahirap nang pahirap ang movie industry at kahit kumikita ang ginagawang pelikula, hindi pa rin nababawi ang puhunan.

Sa kaso ng Ako Legal Wife, naantala ito’t may mga bulilyasong nangyari sa shooting at ang pinaka-latest ay nang ma-dengue si Cherrie Pie Picache.

Ayaw ni Jay na basta na lang magsara ang Regal lalo’t ito na lang ang malakas na sumusuporta sa local movie industry. Kapag nawala ito, wala nang makaka-afford na gumawa ng pelikula nang sabay-sabay.
* * *
Binulabog si Henry Angeles ng tawag ng press at pinagri-react sa inilabas na statement ng ABS-CBN na pinapipirma na ng release si Hero Angeles sa September 30. Hindi na pahihirapan ng network ang magkapatid at sila na mismo ang nag-request kay Hero na umalis sa kanila.

Wala nga lang nakuhang statement or reaction ang mga tumawag kay Henry dahil ayaw pa nitong magsalita’t hangga’t ‘di nababasa’t nakikita ang release paper ng kapatid. Mahirap nga namang mapahamak.

Kung pipirma ng release paper si Hero, ano na ang mangyayari sa kanya? Hindi naman yata siya kukunin ng GMA-7 dahil noon pa nila sinabing wala silang interes dito. Pero, malay din natin lalo’t kailangan nila ng mga artista para sa Ch. 11? Bilog ang mundo ng showbis at hindi kami magugulat kapag napanood namin siya sa Ch. 7 o Ch. 11. Promise!
* * *
Ngarag si Alessandra de Rossi sa kanyang schedule at sa paglalagare sa taping at shooting. Noong isang araw, humingi ito ng day off sa manager niya’t handler para matulog dahil ilang araw nang hindi maayos ang kanyang tulog.

Dahil malapit nang matapos ang Darna, four times a week na ang kanilang taping at madalas, magdamagan pa. Kapag na-pack up naman sa taping, dumederetso ito sa shooting ng Kutob. Hindi rin siya puwedeng mag-absent dito, entry ito ng Canary Films sa 2005 Metro Manila Film Festival at kailangang matapos sa schedule.

Kaya, imbyerna si Alex sa tsikang nakikipag-live in siya kay Jeremy Marquez. Wala na nga raw siyang time sa kanyang sarili, maghahanap pa siya nang aalagaan. Trip lang daw ng mga walang magawa ang tsikang live in na sila ng TV host-actor.

Show comments