Jhong Hilario, luminya sa drama

Nadurog ang puso ko sa episode ng The Correspondents noong Lunes ng gabi. Tinalakay ni Abner Mercado ang buhay ng mga inmates sa Bureau of Corrections. Iba’t iba ang kuwento ng mga female inmates na ang karamihan ay tumanda na. Ang ilan naman ay may malubha nang karamdaman. Higit na kumurot sa puso ko ay ang mga matatandang inmates na hindi na nadadalaw ng kanilang mga kamag-anak.

Iisa lang ang hangarin ng mga ito, ang makita na nila ang pag-asa na makalaya. Ito rin ang naging pakiusap ng opisyal ng Koreksyonal na si Atty. Rachel Rueda.

Sa tuwina ay hanga ako sa mga kwento ni Abner sa The Correspondents. Alam niya ang mga kuwento na tumatatak sa puso ng manonood. Hanga rin ako sa istilo ng pakikipag-usap ni Abner sa kanyang mga subject. Taong-tao. After watching the episode, nagkaroon ako ng idea na gumawa ng isang charity work sa Bureau of Corrections. Tiyak na makakakuha ako ng suporta mula sa mga kaibigan ko.
* * *
Si Jhong Hilario ang bida sa episode ng Maalaala Mo Kaya ngayong gabi. Kwento ito ni Berto, isang taong pinandirihan, ininsulto ultimo ng sariling kapatid dahil sa sakit na ketong.

Hindi talaga matatawaran ang kakayahan ni Jhong sa pag-arte. Sa tuwina ay nabibigyan siya ng magagandang role sa Maalaala Mo Kaya. Kung ang kaibigang Vhong Navarro ay nananagumpay sa comedy, sa drama naman si Jhong.

Isa na marahil ito sa pinakamahusay na pagganap ni Jhong sa telebisyon. Tiyak na marami ang maaantig sa episode na ito.

Tampok din sa episode sina Neri Naig, Sarsi Emmanuel, Simon Ibarra, Tom Olivar at Anna Capri. Si Ruel Montanez ang sumulat ng script at si Jeffrey Jeturian ang nagdirek ng episode.
* * *
Kahit dinaramdam pa ang kamatayan ng mahal sa buhay, gustong iparating ng pamilya Fortaleza ang kanilang pasasalamat sa mga taong umagapay sa kanila, sa ‘di inaasahang pagkamatay ni Augusto Fortaleza, Jr. kamakailan.

Si Augusto ay pinsan ko na pinaslang kamakailan. Malaking dagok ang pagkamatay ng pinsan ko sa aming pamilya lalo na sa mga magulang at kapatid nito. Si Augusto ay nagtrabaho sa Agricultural Training Institute-El Salvador, Misamis Oriental.

Ipinaabot ng Fortaleza family (at ng inyong lingkod na rin) ang pasasalamat kina Atty. Manuel Ravanera, Lilia Ravanera at mga anak na sina Ronnie, Robert, Rolly, Nancy, Irish at Myla ng Agusan, Cagayan de Oro City. Pati na rin ang mga kamag-anak namin sa America na sina Peter at Shirley Ravanera, Chet, Ravanera, Patrick at Irene Ravanera at mga anak. At sa ABS-CBN Cagayan de Oro sa ginawa nilang pagtutok sa kaso.

Show comments