Kotse na ang sinasakyan, di na tricycle

Mismong si Pokwang, Marietta Subong sa tunay na buhay, ay hindi makapaniwala na maaari pa siyang makapagsimula ng isang showbiz career sa kanyang gulang na 33 years old. At, marahil kung hindi siya nagkalakas ng loob na sumali sa pakontes na Clown In A Million ay baka hanggang ngayon ay sa sing-along bars pa siya umaasa ng ikakabuhay. Kumakanta pa rin naman siya at nagpapasaya sa Music Box na kanyang pinagmulan pero, hindi na ito lamang ang pinagkukunan niya ng kabuhayan, meron na siyang mga pelikula at palabas sa TV na nagbibigay sa kanya ng magandang trabaho at popularidad na hindi niya inaasahang matatamo pa.

Kasama siya sa cast ng Dubai na pinangungunahan nina Aga Muhlach, Claudine Barretto at John Lloyd Cruz sa direksyon ni Rory Quintos. Nakapunta siya ng Dubai na kung saan ay kinunan ang maraming eksena ng pelikula. Kasama siyang babalik dito sa premiere showing ng pelikula, at maging sa pagpapalabas nito sa ibang mga bansa. Nakasama rin siya sa mga boxoffice hits na Bcuz of U at D’ Anothers.

Hindi ito ang unang pagpunta niya sa bansa ng mga Arabo. Nakapagtrabaho na siya sa Abu Dhabi bilang myembro ng isang dance group nung di pa siya kilala, ang Body Heat, na lumalabas nun sa Eezy Dancing hosted by Charlene Gonzales.

Super bread winner si Pokwang, isang pangalan na binyag sa kanya ng mga kaibigan niya nung nagsisimula pa lamang siya bilang isang stand-up comedian. Labindalawa silang magkakapatid na hindi lahat ay sinuwerteng magkapera kaya patuloy siya sa suporta sa kanila.

Dalawa ang naging anak niya pero sinamangpalad na mamatay ang isa. Ang natira, isang babaeng 9 na taong gulang ay mag-isa niyang pinalalaki. Single mom siya sa kasalukuyan.

Sinabi niya na ang premyo niyang P1M ay ginamit niya para makabili ng sasakyan na gamit niya sa kanyang trabaho. Nung wala pa siyang kotse ay tricycle ang naghahatid sa kanya sa kanyang trabaho. Regular siyang napapanood sa Quizon Ave.
* * *
Kahit hindi napili ang kanyang pelikula para sa Metro Manila Film Festival 2005, mabilis na tinatapos ni Madam Violet C. Sevilla ang kanyang pelikulang Lisensyadong Kamao na nagtatampok kay Manny Pacquiao sa direksyon ni Tony Bernal sapagkat marami nang naghihintay dito. Ang kasabikan ng mga manonood ay bunga marahil ng walang humpay na paghahakot ng awards ng kanyang huling pelikulang prinodyus, ang Magnifico.

A
ng pelikula na nagtatampok din kina Eddie Garcia, Aubrey Miles, Juliana Palermo, Daria Ramirez Ramon Zamora, Dick Israel at marami pang iba ay tungkol sa isang kabataang lalaki na isinilang na mahirap. Maagang nagtaguyod ng pamilya na binubuo ng isang ina na may TB at isang bulag dahil maagang namatay ang kanyang ama. Pumunta ng Maynila sa kagustuhang mapabuti ang buhay, naging tagapagtinda ng balut pero nakatakdang maging isang kampeon sa boksing.
* * *
Nasa SM Dasmariñas ngayong 5 NH si Karylle para sa album tour niya na "You Make Me Sing" samantalang sa ganitong oras din ay magpu-promote naman ng kanilang "Strike Whilst The Iron Is Hot" ang Orange & Lemons sa SM North Edsa.
* * *
veronica@philstar.net.ph

Show comments