"Siguro po, dahil hindi ako nawawalan ng panahong tumawag sa Diyos. Siya kasi ang tumutulong sa akin," kwento ni Toni G.
Saka, bakit nga naman lahat ng project na hindi mag-click, sa kanya ibinibintang? Bakit si Toni G. lang ba ang artistang nasa istoryang pinipintasan nilang hindi maganda? Siguro, kasalanan ng sumulat dahil hindi maganda ang pagkakagawa. Masakit lang, si Toni G. ang inaakusahan.
Wala raw utang na loob sa Siete si Toni G. kaya inaatake ng husto. Ipinagtanggol nito ang sarili dahil sa totoo lang, tumatanaw siya ng utang na loob sa pagkakabigay ng pagkakataon sa kanya ng Eat Bulaga. Pitong taon pala siya sa GMA at karapatan lang na hanapin niya ang swerteng matagal nang hindi dumarating. Yun naman sigurong pitong taong pagtitiyaga ay hindi na kawalan ng utang na loob at doble ang alok sa kanya. Bakit hindi niya ito tatanggapin?
"Ayaw ko namang magkunwari na hindi ko kailangan ang pera. Ipokrita lang ang magsasabing hindi kailangan ang pera sa panahong ito. Tama ang sinabi ng star," prangkang sabi niya. At marunong namang tumanaw ng utang na loob sa mga tumutulong sa kanya. Nagti-thank you kahit sa mga text messages man lang. Tanungin nyo nga yung iba, kung marunong silang magpa-thank you? Simulan sa pinakasikat na artista ngayon. Ilan sa mga sikat na kilala namin ang marunong magpadala ng thank you, gaya nina Sharon Cuneta, Vilma Santos, Rita Avila, Perla Bautista, Marissa Sanchez?
Wala pa sa isip ni Toni G. ang pag-ibig. Yung itinutukso sa kanya, publicity lang daw. Magtatapos muna siya ng college, bago makaisip umibig. Kumakanta dati si Toni G. sa Calesa Bar, sa Hyatt, bago gumawa ng pangalan sa showbiz. Vir Gonzales