Sa long distance relationship nina Joseph at Sandara, ang Koreana ang mas madalas tumawag!

Mga kabataan ang magsisilbing suporta ni Maricel Soriano sa sisimulang serye sa ABS CBN na pinamagatang Vietnam Rose – sina Angelica Panganiban, Michelle Madrigal, Joseph Bitangcol, Jason Abalos at AJ Dee. Malalaking roles din ang gagampanan ng mga ito sa nasabing serye tungkol sa isang Vietnamese girl (Maricel) na na-trauma ng giyera at napadpad ng Pilipinas kung saan tatangkain niyang kalimutan ang kanyang malungkot na kahapon.

One of these bagets, si Joseph Bitangcol, is best remembered as the guy who caused the split between Hero Angeles and Sandara Park. Kung anumang magandang pagtitinginan ang inaasahan ng mga fans na maganap sa dalawa ay nawalang lahat nang aminin ng Koreana na mas gusto niya si Joseph kaysa sa tumalo sa kanya sa Star Circle Quest na kasabay ng kanyang pag-alis patungong Korea ay parang nawalan na rin ng career.

"Naaawa nga ako at nalulungkot para sa kanya," ani Joseph na umamin din na hindi niya batid ang buong pangyayari sa pagitan ng kanyang nobya na si Sandara at sa ka-loveteam nito.

Huli na para itanggi ni Joseph ang relasyon nila ng Koreana. Sa halip, sinabi niyang may unawaan na talaga sila at sa huling pag-uwi nito ay pinasalubungan siya nito ng isang sumbrero. Pangalawa na ito dahil sumbrero ang paborito niya.

"Kung ako ang papipiliin gusto ko forever na kami," aniya, "pero, mahirap talaga yung magkalayo, sa cellphone lang kami nakakapag-usap. Mas madalas nga siyang mag-text sa akin dahil bukod sa magastos eh mas madali siyang makatawag sa akin kesa ako sa kanya," pag-amin ng 21 taong gulang na artista.

Sa Vietnam Rose, ginagampanan niya ang role ng anak nina Jim Pebangco at Ilonah Jean. Mali-link siya kay Michelle Madrigal.

Hindi na mahirap para kay Joseph ang mapagaling ang pag-arte niya dahil nagsimula siya sa teatro.
* * *
Pumasok na rin ang character ni Dino Guevara sa Encantadia bilang si Carlos, ang pinsan ni Anthony (Mark Herras) na aagawin sa kanya ang pagpapatakbo ng real estate business nila. Pero, hindi magpapabaya si Mira (Yasmien Kurdi), tutulungan niya si Anthony na malampasan ang mga problema at balakid sa kanilang negosyo, katulad ng natutuhan niyang pagpapalakad ng kanilang kaharian.

Kung kailan nabalitang malapit nang magtapos ang Encantadia ay saka naman lalo nagiging kapana-panabik ang mga episodes nito, lalo na sa pagdating ni Kahlil (Jake Cuenca) na namana ang bilis ng kanyang inang si Alena (Karylle) na itatago ng isang fairy (Sunshine Garcia ng Sex Bomb) bilang halamang tubig (water lily) para hindi mapagtagumpayan ni Hitano (Polo Ravales) ang masamang tangka nito sa kanya.
* * *
Isang grupo ng mga negosyanteng Briton sa ilalim ng kumpanyang AIDMARK LTD. ang nakipag-partner sa AD & JS International Inc. na nasa pamumuno ni Anna Dizon bilang pangulo at CEO para sa pagpapadala ng mga nurse sa maraming nursing home sa United Kingdom (UK). Ang AIDMARK ay pinamamahalaan ni Philip Longbottom bilang CEO, Robert M. Taylor bilang Managing Director at Daniel M. Vurly bilang Associate Director.

To date, marami nang mga nurse ang nabigyan ng permiso na makapagtrabaho sa UK at marami pa ang naghihintay na lamang sa release ng kanilang visa.

May plano na rin na magpadala ng mga performing artist at iba pang skilled worker sa ibang bansa tulad ng Korea, at China habang patuloy ang pagpunta ng mga artists sa Japan.
* * *
E-mail: veronica@philstar.net.ph

Show comments