Tubong Balayan, Batangas si Vincent Quilet na naging kargador muna sa palengke, bago lumuwas ng Maynila para maglako ng mga likhang-awitin sa mga recording outfits. Isa lang ang nabili ng Hidcor Records. Sa payo ng mga kaibigang sina Mutu at Mando ay siya na ang umawit ng mga likhang-awitin at dinala niya ang tape sa OctoArts. Naibigan ng mga Ilacad (Orly, Chito at Sunny) ang mga kanta, isinaplaka at isinilang si Vincent Dafalong.
Nang lumipas ang novelty songs ay naglaho na rin ang popularidad ni Vincent. Nagumon siya sa marijuana, nadakip at nakulong. Hiniwalayan siya ng asawa at dinala ang mga anak sa America.
Ngayoy umaawit siyang muli kasaliw ang bandang Bubble Gum at walang sawang nagdarasal na balang-araw ay tulutan ni Lord na makabalik sa popularidad.
Isasadula ang buhay ni Dafalong sa Kapuso drama anthology na Magpakailanman hosted by Mel Tiangco at direksyon ni Argel Joseph ngayong Huwebes ng gabi. Si Mike Nacua ang gaganap na Dafalong kasama sina Bing Loyzaga (Cora), Daria Ramirez/Dick Israel (parents), Gileth Sandico/Patricia Ysmael (sisters), Gerald Madrid (Mutu) at Sherwin Ordoñez (Mando).