Bad boy ng pelikula, good boy ng pamilya!

Matagal-tagal na ring panahong hindi kami nagagawi sa Pagsanjan, Laguna, isa sa mga kilalang tourist spots hindi lamang ng Laguna kundi ng buong Pilipinas. Nung nakaraang Linggo (July 31), muli kaming nagawi sa nasabing lugar sa imbitasyon ng mayor ng Pagsanjan na si Mayor E. R. Ejercito na mas kilala sa showbiz bilang Jeorge Estregan, Jr., panganay na anak ng yumaong mahusay na aktor na si George Estregan at pamangkin ni dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada at nakakatandang kapatid ng actor na si Gary Estrada. 

Although unang  nakilala si Mayor E.R. Ejercito sa mga ‘bad guy’ roles sa pelikula, sa Pagsanjan ay isa siyang iginagalang at tinitingalang  punong-bayan dahil sa kanyang pagiging action man o pagiging working mayor ng kanyang nasasakupan. 

Magmula nang mahalal na mayor ng Pagsanjan si  E.R. nung taong 2001 ay hindi na ito tumigil sa pagpapaganda at pagpapalago ng turismo at ekonomiya ng kanyang lugar. Kaya naman nang siya’y muling tumakbo sa ikalawang termino nung isang taon ay handsdown na muli niyang nakuha ang tiwala ng kanyang mga kababayan

Aminado si E.R. na idolo niya ang kanyang uncle Erap kaya niya pinasok ang public service.  Pero bago niya ito  pinasok ay pinaghandaan niya itong mabuti.  Kahit nagtapos si E.R. ng bachelor’s degree in Fine Arts major in Advertising and Visual Communications sa University of the Philippines nung 1987, nag-enroll din siya sa ika-42nd Local Administration and Development Program, isang joint effort ng University of the Philippines’ Center for Local and Regional Governance at ang Dept. of the Interior and Local Government kung saan niya naging kaklase ang ilang mga nakaupong local government officials.  Pero sa kabila nito, siya ang naging class president sa loob ng apat na buwang programa.  Ginawa niyang thesis ang programa para sa development ng Pagsanjan kaya naman nang siya’y maupong mayor ng nasabing bayan nung taong 2001 ay isa-isa niyang ipinatupad ang kanyang mga plano sa lugar. 

Ang tanggapan ni E.R. sa munisipyo ng Pagsanjan ay napapalamutian ng iba’t ibang pagkilala sa kanyang mga achievements bilang alkalde ng nasabing lugar at kasama na rito ang pagiging isa sa Top Ten Outstanding Municipal Mayors of the Philippines.   

"Napakaswerte ng Pagsanjan sa pagkakaroon ng isang masipag at may puso na mayor," anang isang taga-Pagsanjan na aming nakausap. Napakalaki na ng mga pagbabago sa Pagsanjan ang nangyari magmula nang si E.R. ang umupong mayor.  Hands-on siya sa lahat ng proyekto na kanyang ipinapatupad sa kanyang nasasakupan. 

Nakalatag ang kanyang 15-year development program ng Pagsanjan pero alam niyang hindi niya mabubuo ang terminong ito dahil hanggang tatlong term (9 years) lamang ang isang mayor kaya gusto niyang i-fast track ang kanyang mga proyekto habang siya pa ang incumbent mayor. 

Kung ang ancestral home ng mga Ejercito ay kanyang na-restore, ito rin ang kanyang ginagawa ngayon sa bayan ng Pagsanjan. Kung ang ibang tao ay minamata ang mga artistang pumupasok sa public service, kakaiba naman si E. R. dahil purong serbisyo ang kanyang ipinapakita sa kanyang nasasakupan. 

Kung sa mga pelikulang kanyang nilabasan ay kadalasang barumbado at mayabang ang kanyang role, kabaliktaran ito sa tunay na buhay.  Hindi lamang modelong municipal mayor si E.R. kundi isa rin itong modelong asawa ng aktres na si Maita Sanchez at mga anak na sina Jet (16), Jerico (13) at bunsong si Julia (3). Pati paninigarilyo ay tinanggal na rin ni E. R. at ang pag-inom ay occasional na lamang niyang ginagawa. 

Kung ang ibang mga local officials ay magagarang kotse ang gamit at matataas ang standard of living, isang lumang Nissan Terrano at lumang MB van ang gamit-gamit ni E.R. at ng kanyang pamilya at wala siyang armed men bilang security. Katunayan, nakakapaglakad siya sa kalye nang  mag-isa nang walang gumagambala sa kanya. 

Magtapos man ang termino ni E.R. bilang mayor ng Pagsanjan, tiyak na marami siyang magagandang proyekto at alaalang maiiwan sa kanyang mga constituents sa Pagsanjan for the future generation to enjoy. Samantala, nanghinayang kami na hindi man lamang kami nakapagdala ng ekstrang damit, disin sana’y nasubukan din namin ang thrill ng ‘shooting the rapids’ na siyang dinarayo ng mga foreign tourists sa Pagsanjan.

Gusto rin naming pasalamatan ang mag-asawang Mayor E.R. Ejercito at misis nitong si Maita Sanchez sa kanilang mainit na pagtanggap sa amin.  Si E.R. din ang nagsilbi naming tourist guide habang kami ay nasa Pagsanjan.  Inilibot din niya kami sa malawak na garden at taniman ng mga Ejercito kung saan nagkalat ang iba’t ibang fruit bearing trees tulad ng santol, rambutan at mangga.  Plano pa sana naming magtungo ng Liliw at Paete, Laguna pero ang buong maghapon ay kulang sa Pagsanjan.  Nakapagsimba rin kami sa Pagsanjan Church kung saan ang kanilang patron saint ay ang milagrosang Nuestra Señora de Guadalupe kung kanino isinunod ang pangalan ng  bunsong anak nina E.R. at Maita na si Maria Guadalupe (Julia).
* * *
E-mail: a_amoyo@pimsi.net

Show comments