Albert, inopera sa mata!

Sumailalim sa isang eye operation ang aktor na si Albert Martinez. Ang operasyon kay Albert ay isinagawa sa ospital ng mga Larrazabal sa Cebu kung saan mismong ang asawa ni Donna Cruz ang nagsagawa ng operasyon kasama ng ilang mga dalubhasang doktor doon. Ito’y matapos naman ang kanilang operasyong ginawa kay Joyce Jimenez.

Ayon kay Dr. Yong Larrazabal, tinatawag nilang CK ang operasyong ginawa nila kay Albert.

"The operation that we did to Albert is what we call CK or Conductive Keratoplasty. Ito ‘yung operation na ginagawa upang gamutin ang mga farsighted na tao at i-improve ang mga near vision patients," anang doktor.

Idinagdag pa ni Yong na umabot lamang sa tatlo hanggang limang minuto ang operasyon kay Albert. Ayaw na raw kasing gumamit ng aktor ng reading glasses kaya’t nagpa-opera na ito sa kanila. Very proud din ang asawa ni Donna sa pagsasabing sila ang kauna-unahang nagsagawa ng ganoong klaseng operasyon sa Pilipinas kaya’t masasabi nilang very successful ang kanilang ginawa kay Albert.

Katunayan anya ay tumawag pa si Albert sa kanya pagkatapos ng dalawang araw na pagbabakasyon nito sa Cebu para lamang sabihin sa kanya na nakakabasa na ito ng movie script without using a reading glass.

"It’s something that I can be proud of kasi successful ang operation namin sa kanya tulad ng pagiging successful ng operation namin kay Joyce. Pero ‘yung ginawa namin kay Joyce is not the first time in the Philippines, bale pang-apat yata kami na mayroong ganoong procedure," ang pagmamalaki pa ni Yong. — TONTON VILLAMOR

Show comments