Kumakanta habang nagluluto

Hindi raw importante kung ilang beses kang nabigo o naging talunan, ang mahalaga eh kung ilang beses kang babangon pagkatapos ng laban.

Ganito ang naisip ng pride ng taga-Bohol na si Jerome Sala nang maging wild card siya ng Search for the Star in a Million. Kaya ibinigay niya ang kanyang best matapos mabigyan uli ng chance na mapasama sa SSIAM hanggang sa tanghalin nga siyang grand winner ng naturang singing contest.

Sa katauhan ni Jerome at least, makakarinig uli tayo ng mga kantang may himig Pinoy na ala-Nonoy Zuñiga at Rico J Puno ang dating na siyang forte ng binatang taga-Bohol. Tulad ng nilalaman ng kanyang first album na "Kung Ako’y Iiwan Mo," "Take A Look Inside My Heart," ka-duet si Mabel Bacusmo, "Gulong ng Palad," "Simpleng Juan," at "One In A Million."

Nagsimulang matutong kumanta si Jerome sa edad na limang taon sa pagtuturo ng kanyang tatay, para raw ipagpatuloy ang husay ng kanilang pamilya sa kantahan na namana pa mula sa kanyang lolo.

Hindi nga nagkamali ang tatay niya dahil sa nanalo na agad siya sa singing contest sa edad na limang taon palang. Hindi lang siya sa mga kalapit barangay nila sumasali sa kantahan. Nakikisakay pa siya ng bangka para lang dumayo sa ibang baryo para sumali sa mga singing contest. Kahit nga raw ang malalakas na alon at bagyo ay hindi naging hadlang para makapunta siya sa ibang baryo hanggang makarating siya sa Manila at makasali sa SSIAM.

Ang "Jerome Sala" album ay release ng Star Records.
* * *
Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Yasmien Kurdi kapag naririnig niya ang sarili sa radyo na kumakanta ng "I Know".

"Hindi nga po ako makapaniwala! Ang nakakatuwa pa, talagang sinasabayan nila yung kanta ko. Talaga pong sobra akong happy," sabi ni Yasmien.

Pangarap talaga ni Yasmien ang maging singer. Nung bata siya ay puro mga broadway songs ang gusto niyang kantahin. Pero napilitan siyang mag-aral ng mga modern songs para maka-relate din sa mga kabataan na ka-edad niya.

"Gusto ko lang pong kumanta. Wala naman akong gustong patunayan. Sapat na po sa akin na tinanggap nila yung kanta ko. Pero magsisikap pa rin po ako sa aking singing career," paliwanag ni Yasmien.

Ang isa pang hilig ni Yasmien ay pagluluto. Actually napilitan na lang siya noong matutong magluto dahil naawa siya sa mother niya nung sa Lebanon pa sila nakatira.

Dahil sa pagod galing sa trabaho ay natutulog na lang ang nanay niya, para hindi raw magalit ang Lebanese na tatay ni Yasmien sa nanay niya ay nag-aral siyang magluto. Ang ginagawa ni Yasmien ay pumupunta siya sa mga kapitbahay nilang Pinoy doon. Natutuhan niya doon ang pagluluto ng adobo at lahat ng klase ng ulam na Pinoy.

At siyempre habang nagluluto ay kumakanta raw siya.

"Siguro po doon ako unang na-in love sa pagkanta, yung typical na Pinoy na kumakanta habang nasa kusina," kwento ni Yasmien.

Show comments