Nagbunga ang pagda-diet

Napakinabangan ni Nadine Samonte ang pag-aalaga ng katawan. Hindi siya nagkakain ng kanin, baboy o manok, malimit oatmeal lang ang kinakain niya. Maingat na sa katawan si Nadine, dahil minsan na siyang tumaba noon na ayaw na niyang maulit. Hindi naman nasayang ang ginawa ni Nadine, dahil ngayon ay endorser na siya ng CD Jeans dahil sa kanyang pigura. Nakabidahan namin ang manager ni Nadine na si Manny Ballester at sinabing kaya siya kinausap ng owner ng CD Jeans ay dahil maganda na ang figure ng kanyang alaga. Nagpirmahan sila ng contract kamakailan.

Lagare ngayon si Nadine sa rami ng projects. Ginagawa niya ang Ako, Legal Wife, kasama si Zsazsa Padilla, Hari ng Sablay, kasama si Bearwin Meily at may gagawin din kasama sina Jean Saburit, Beth Tamayo, Cogie Domingo, Zoren Legaspi at Sheryl Cruz. Ang hiling lang ni Manay, sana huwag namang napakabilis mag-drive ng alaga. Nakakatakot nga naman, lalo’t isang batang kaparis niya.

Noong mag-taping sila ng N&F sa Hacienda Isabelle sa Tagaytay na pag-aari ni Kuh Ledesma, kahit malayo ay dumarating sa set si Nadine. Ayaw nitong pinaghihintay sa set ang mga kasamahan. Saka, napakamahal nga naman ng bayad sa location shooting, kung mahuhuli pa siya, kawawa naman ang producer. Saka, mabibigat na artista nga naman itong kasamahan niya.

Malaki raw ang natutuhan sa pag-arte ni Nadine sa pakikipagkwentuhan sa mga batikang artista tulad nina Sheryl, Jean at Beth. May nakakapansin nga sa set, mukhang masama ang tama sa kanya ni Cogie Domingo. Tinutukso daw sila.

"Wala po sa isip ko ang pakikipag-boyfriend." Career muna raw ang uunahin niya.

Kamakailan ay nag-guest siya sa pista ng Sta. Ana Pampanga. — Vir Gonzales

Show comments