Hindi lang patay, ililibing na ang industriya ng pelikula

Kahit nagtaas na naman ng singil sa kuryente ang Meralco, minsan hindi mo maiiwasan ang gumastos sa kuryente. Kagaya nga noong isang gabi, sabay naming pinanood sa dalawang telebisyon yong FAMAS, dahil alam naming nakakatawa yon, at saka iyong GMA Anniversary Presentation.

Nang matapos ang aming panonood ng alas-tres ng madaling araw na, at saka namin naisip, mukhang nagsayang nga lang kami ng kuryente. Mukhang pinayayaman nga lang namin ang mga may-ari ng Meralco at First Holdings.

Hindi maganda ang anniversary presentation ng GMA 7.Para lang yong pinahabang SOP. Parang pinahabang Sis. Ang kulang lang doon, yong mga baklang nagbabasa ng horoscope, Sis na yon. Kung hinayaan lang nilang mag-rap sina Richard at Raymond Gutierrez, SOPGigsters na yon. Walang pagbabago.

Hindi namin maintindihan kung bakit. Gumawa ng isang anniversary presentation ang Eat Bulaga sa Clark, napakaganda ng dating. Kung iisipin mo isang show lamang ang Eat Bulaga. Eh ito anniversary ng kanilang network, tapos ganoon lang ang mapapanood mo? Aywan kung special ngang matatawag yon.

Mas maganda pa yong tribute to GMA ng Master Showman Presents kahit na nga sabihing puro tapes lamang iyon ng lumang That’s Entertainment at GMA Supershow eh.

Baka naman iyong ilalabas nila sa Linggo, mukhang pinahabang MRS o Chow Time Na, aba eh hindi na kami manonood niyan.

Mahusay naman ang production people ng GMA. Isipin mo nga, nakagagawa sila ng mga mahuhusay na shows kagaya noong Encantadia at kung anu-ano pa. Hindi namin maintindihan talaga kung bakit ang anniversary special nila ay nagmukhang tokwa’t baboy. Do we hear someone say, "I’m sorry?"
* * *
Matindi na ang comments ng ilang leaders ng industriya ng pelikula. Hindi lamang daw patay, ililibing na ang industriya ng pelikula sa bansa. Kasabay ng pagpapatupad ng EVAT na magpapataw din ng dagdag na buwis sa kuryente, natural lang na magtaas na naman ng singil ang Meralco.

Tinataya nilang dodoble halos ang singil ng Meralco.Kung mangyayari yon, madodoble rin ang cost of operations ng mga sinehan dahil umaasa yan sa kuryente. Ano nga ba ang gagawin nila? Tataas din naman ang singil ng laboratoryo at iba pang raw materials na tinamaan niyang EVAT. Di magtataas na sila ng admission prices ng sinehan. Wala namang manonood sa kanila. Aba, bente singko pesos lang ang itinaas sa sahod, dalawang piso na ang dagdag sa pamasahe. Tumaas ang lahat ng bilihin. Unano na lang ang hindi tumataas dito eh. Sino pa ang magsisine?

Sabi nga nila, ano naman daw kaya ang maitutulong ngayon sa industriya ng itinalagang presidential adviser on cinema and entertainment na si Vic del Rosario, para may gawin man lang ang gobyerno para matulungan naman ang industriya ng pelikula. Aba eh kailangang kumilos sila dahil kung hindi, wala nang magpo-produce ng pelikula, baka puro digital film na bomba na lang kagaya noong Boso ang mapanood natin. Huwag kayong sasagot sa amin ng, I’m sorry.

Show comments