Baby sitter pa rin ang Pinay JLo ng Italy

Sa kabila ng kasikatang tinatamasa ng Pinay na si Christina de Castro na pumunta ng Italya para mag-baby sitter pero naging isang sikat na performer/recording artist at ngayon ay itinuturing na Jennifer Lopez ng Italy, taun-taon ay bumibisita ng bansa si Kittie (palayaw sa kanya) para makita ang kanyang mga magulang at pamilya sa Cavite and in the process, naipo-promote niya ang kanyang recording sa pamamagitan ng pagi-guest sa TV.

Tandang-tanda ko pa na sa kawalan ng kakilala na makakatulong sa kanya para makilala rin siya ng mga kababayan niya rito 3 years ago ay inilapit ko siya sa isang malaking tao, isang bise presidente ng ABS CBN para mai-guest siya pero, tumanggi ito. Marami itong ibinigay na dahilan pero ang pinaka-buod, walang pangalan dito si Christina. O baka naman talaga lamang ayaw niyang makilala ito rito sa pamamagitan ko. The next time kasi na makita ko ay ipinalalabas na ang lifestory ni Kittie sa Maalaala Mo Kaya sa TV at hanggang ngayon naman, walang ibang istasyon ang talagang tumututok sa sikat na Pinay sa Italya kundi ang ABS CBN. Sa pamamagitan ng TFC nito ay nakikilala na ang Pinay sa maraming bansa sa buong mundo.

Finally after three years nang pagpapabalik-balik dito ni Christina ay nag-meet kami ulit nung Lunes ng gabi sa isang Italian Restaurant sa Cubao, ang Bellini’s. Ngayong araw na ito ay pabalik na siya ng Italya via Bangkok, kasama ang ilang mga Italyano na tumutulong sa kanyang career, ang kanyang sister-in-law at anak at pamilya.

Baby sitter pa rin si Christina pero, hindi na ng ibang bata kundi ng sarili na niyang anak, ni Anthony, anak niya sa kanyang asawang Italyano, si Mikelli, isang negosyante ng mga chandeliers sa Italy. May sarili silang pagawaan ng olive oil dun.

Isang cute na cute na 3 year old boy si Anthony na sure ako ay sisikat din tulad ng kanyang ina. Bukod sa talagang napaka-gwapo nito ay bibo pa at nakapagsasalita ng Tagalog, English at Italian.

Tuturuan pa ito ni Kittie para maging fluent sa Tagalog at pagbabalik nila, susubukan muna niya ito sa commercial at saka isasabak sa TV, dito sa ating bayan.

In-demand pa rin si Kittie sa mga performances sa stage at maging sa TV sa Italya. Nasa top position sa charts ang kanyang album pero, bukod sa pagiging sikat sa isang banyagang bansa na itinuturing niya na pangalawang tahanan niya, gusto ring makilala ni Kittie dito sa Pilipinas.
* * *
Mayro’n palang isang authentic Italian Restaurant na matatagpuan sa pusod ng Cubao. Ito ang Bellini’s na matatagpuan sa loob ng Marikina Shoe Expo at pag-aari ng mag-asawang Roberto, isang Italyano, at Ma. Luisa, isang Pilipina, Bellini.

Mag-aanim na taon nang nagsisilbi ng mga masasarap at authentic Italian food ang
Bellini’s maging sa mga ordinaryong diner bagaman at inamin ni Roberto na marami ring mga tao sa gobyerno ang kumakain sa kanyang restaurant. Tulad ni MMDA Chairman Bayani Fernando at dating Sec. Rigoberto Tiglao. Base sa mga nakasabit na plato sa dingding ng kanyang restaurant, marami na ring artista ang pumupunta dun para tikman ang kanyang mga putahe. Lahat sila ay pumirma sa mga plato sa dingding.

Akala ko masarap na yung mga natitikman kong pasta sa mga Ita-Italyanong restaurant na napupuntahan ko pero, walang kasing sarap yung tatlong klase ng pasta na ipinatikim ni
Ginoong Roberto sa amin nung dalhin kami run ni Christina. At yung Pana Cotta na akala ko leche flan pero, di ko makain dahil diabetic ako (sayang !!!), sabi ni Obet Serrano, ang tumutulong kay Christina ngayon, it melted in his mouth. Yung mga tinapay at bread stick, tinapay lang ang mga ito, pero iba ang lasa, talagang masarap!

Mura lang sa Bellini’s at bagaman at di ako PR nito, gusto kong matikman n’yo yung mga food dito at masarapan tulad ko.

Show comments