Jasmine Trias, gagawa ng movie sa Hollywood

Kahit ang lahat ng taga-media na nakausap na si Jasmine Trias simula noong dumating sila sa Maynila noong Miyerkules, walang nakaalam ng true-to-life drama na naganap sa international airport.

Dumating ng eksakto sa oras, 2:30 ng hapon ang Philippine Airlines flight sina Jasmine at ang kanyang inang si Nora Soriano Trias. Sa business class sila kaya’t expected na mauuna silang bumaba from the plane, kaysa sa ibang pasahero.

Nakababa na ang lahat ang mga nasa economy class, wala pa rin ang mag-inang Trias. Nag-alala na tuloy ang mga sumalubong sa kanilang mga taga-Universal Records. Kaya pina-check ulit ang manifest upang makatiyak na kasama nga ang mag-ina sa listahan ng mga dumating na pasahero.

Nandoon naman ang pangalan nila sa manifest. Ang problema, bakit wala pang Jasmine at Nora Trias na nakikita ang mga sumalubong sa dalawa.

Nagtagal pa ang ilang minuto at pababa na ang mag-inang Jasmine. Ang kanyang mother na isang registered nurse, si Nora, ang mismong nagkwento sa nangyari.

Sa paglapag pala ng PAL flight sa Manila airport, may isang senior citizen na inatake. Alisto sa call of duty ang nurse na si Nora Trias, kaya’t siya ang nag-volunteer na magbigay ng first aid sa na-stroke.

Kaya’t habang nagbababaan na ang mga pasahero nag-caregiver pa si Mrs. Trias habang hangang-hanga naman si Jasmine sa kabayanihang ginawa ng mahal niyang ina.
* * *
Si Jasmine pala, kahit sa Hawaii pinanganak at lumaki, Pinay na Pinay ang ugali at sense of values – ‘yon mga positive, ha! Kahit pagod na pagod siya, hindi namin narinig magreklamo. Masaya pa siyang nakipag-uusap sa media people.

Nabanggit niya na isang pelikula ang gagawin sa Hollywood, All-Girl Band at isa siya sa mga lalabas ng title role. Sa kanilang banda sa pelikula, si Jasmine ang drummer.

Limang araw lang titigil sa Maynila si Jasmine para sa kanyang recording at shooting ng music video from the album.

Kailangan niyang bumalik sa Los Angeles, California for the American Idol grand finals na magsisimula sa Tuesday. Siyempre isa si Jasmine sa mga guests sa worldwide smash hit show.

Tinanong ko si Jasmine kung sino ang favorite niya sa mga natitirang maglalaban sa American Idol, as expected si Bo, ang rocker ang choice niya.

Dahil sa punung-puno ang schedule ni Jasmine sa recording, wala siyang oras na mag-guest kahit sa isang TV show lamang. Buti na lang at maraming mga taga-ABS CBN, GMA, RPN-9 IBC-13 na nagpunta sa Linden Suites noong Miyekules ng gabi.

Lahat sila nagkaroon ng pagkakataong makausap si Jasmine at marami rin namang naikwento sa kanila ang Filipina-American.

Pati nga ang mga taga-StarTalk at The Buzz nandoon din, kaya mapapanood pa si Jasmine sa mga showbiz talkshows na nabanggit.

Tanging ang photographer na si Richard Chen ang nakapasok sa mismong room ni Jasmine sa Linden Suites. Walang nakakaalam kung saan eksaktong tumuloy ang Fil-Am singer, pero si Richard na lensman for Fanfare ni Ricky Lo ng Philippine Star, nandoon that early Wednesday evening.

Excited si Jasmine sa mga kantang kasama sa kanyang album na ilalabas ng Universal Records. Narinig na niya ang lahat ng kanta, pati ang isang likha ni Vehnee Saturno, na siya rin nag-compose ng monster hit ng isa pang Fil-Am artist na si Jay-R, ang "Bakit Pa Ba."

Show comments