Boss Vic, malaki ang magagawa sa naghihingalong industriya

Nasaksihan ko ang panunumpa ni Boss Vic del Rosario, sa palasyo ng Malacañang nung Miyerkules ng gabi bilang Presidential Consultant on the Entertainment Industry. Directly under ito sa Office of the President.

Sa ginawang pakikipag-usap sa amin ni PGMA matapos ang panunumpa, isang masaganang hapunan at isang maikling programa, nakita ko’t naisip na malaki ang maitutulong ng namumuno ng Viva sa naghihingalong industriya ng pelikula, TV, music at iba pang sektor ng local entertainment. Binigyan kasi si Boss Vic ng kapangyarihan ng Pangulo na sabihin dito ang mga problema ng local entertainment at pagkatapos ay magbigay ng kanyang mga panukala, suggestion at advice kung paano malulutas ang mga problemang ito. Sa mga sinabi ni PGMA, nakasilip ako ng malaking pag-asa para mabigyang buhay muli ang halos ay nawawala nang industriya natin ng pelikula at ang mabilis na sumusunod na industriya ng musika na kapwa tinatalo ng mga banyagang pelikula, musika at konsyerto. Kailangan lamang ay mapagtuunan ito ng pansin ni Boss Vic at mabigyan ng panahon.

Sa isinumite niyang status report on the local entertainment industry, binigyan diin niya ang mga magagandang pagbabago na nagaganap sa ating mga karatig bansa sa Asya at ang mga panukala niyang hakbang para tayo makadikit man lamang sa ibang mga Asean countries.

I’m sure marami ang magtataas ng kilay sa naging appointment ni Boss Vic pero sa halip na gawin natin ito ay iparating natin sa Pangulo sa pamamagitan niya ang mga gusto nating mga pagbabago, baka nga tayo makaisod ng malayo. Ano sa palagay n’yo? Bakit hindi natin subukan si Boss Vic, at si PGMA?
* * *
Napili si Bettinna Carlos para mag-host ng Nickelodeon Kids Choice Awards na magaganap bukas Linggo, 4:00 NH, sa NBC Tent. Excited si Bettina dahil para itong Oscar Awards para sa mga kabataan sa US. Ang Hollywood counterpart niya sa taong ito ay si Ben Stiller. Last year, sina Cameron Diaz at Mike Mayers ang naging mga host.

Nakausap si Bettinna ng mga boss ng Nickelodeon Asia-Pacific sa Singapore. Sila sina Gary Sinclair, Sr. Director, Creative and Show Development, Syahrizan Manson, Director, Programming, at si Myra Monozca, Director, Marketing and Communications. Pinahanga silang lahat ni Bettinna sa kanyang ganda, katalinuhan at grace.

Pumunta ang Nickelodeon sa bansa para gumawa ng isang special project para sa mga batang taga-Iloilo City. Nag-imbita sila ng mga taga-showbiz, isa si Bettina sa naimbita. Nakita nila ang potential nito, nag-background check sila in and out of showbiz at nagpasyang kilalanin siya.

Mapapanood ang Kids Choice Awards nang libre.

Show comments