Hindi naiiba ang respetadong aktor na si Jericho Rosales na isa rin pala sa passion nito ang pagkanta.
Kaya bagamat kumakanta na rin siya kasama ang grupong Hunks ay naisipan pa rin nitong magtayo ng sarili niyang banda.
Minsan habang nasa itaas siya ng bubong ng kanilang bahay, tinawagan niya ang kanyang kaibigan na gusto niyang bumuo ng banda, pagkahapon ay nabuo na agad ang kanilang grupo at tinawag itong Jeans. Kinabukasan ay may TV guesting at show na agad sila.
Katulad ng typical na Pinoy, pagkanta rin ang outlet ni Echo. Dinadaan na lang niya sa kanta kapag nalulungkot, nagagalit, nasasaktan o masaya si Jericho.
At kung bakit tinawag niyang Jeans ang kanyang banda ay dahil sa "Ang jeans ay komportableng isuot kahit anong okasyon, kahit anong size, kahit ano pwede mong iterno. Parang kanta pwedeng alternative, classic, R&B basta malinis ang pagkakahagod," paliwanag ni Echo.
Bakit niya naisipang pumasok sa singing, may gusto ba siyang mapatunayan?
"Wala, gusto kong lang mag-enjoy. Sana ma-appreciate at matanggap ng tao. At sana magkaroon kami ng lugar sa music industry not for anything else," paliwanag ni Echo.
Isa pa sa pampalipas oras ni Echo ang pagsusulat ng tula hanggang sa nahiligan na rin niyang sumulat ng kanta. Katunayan ang theme song ng Ang Panday na siya ang bida ay siya ang sumulat ng kanta. Ang ilang song din sa album ng Jeans na ginagawa ay siya rin ang nagko-compose.