Pinoy ang designer ng no.1 TV series sa Hollywood

Kung dati-rati’y may tatlong TV programs ang singer-comedienne na si Aiai delas Alas, isa-isang nawala ang kanyang tatlong programa.  May kung ilang buwan ding nabakante si Aiai sa pagkakaroon ng regular TV show pero nagkaroon naman siya ng pagkakataon na maharap ang kanyang pagiging concert performer hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa. Pero hindi na maglalaon at muli na namang mapapanood ang comedy concert queen sa isang sitcom sa ABS-CBN na pinamagatang My Juan and Only na tatampukan din nina Nova Villa, Randy Santiago, Toni Gonzaga, Vhong Navarro, John Prats, Long Mejia, Paw Diaz at iba pa.

Mapantayan kaya ng kauna-unahang Pinoy Pop Superstar grand winner na si Jonalyn Viray ang kasikatan ngayon ni Sarah Geronimo?

Kinse pa lamang si Jonalyn at tiyak na malayo ang kanyang mararating dahil isa na siyang build-up contract star ng GMA Records. May isang milyon pa siyang cash, isang house & lot at isang brand new car.

Si Sarah ay nagmula rin sa isang singing search na siyang naging daan niya sa kanyang tinatamasang kasikatan ngayon.

Kung si Sarah ay inaalagaan ngayon ng ABS-CBN, si Jonalyn naman ay may GMA-7 na masasandalan.  Tiyak din na gagawin na rin siyang regular sa SOP.

Ibinalita sa amin ng aming Filipino-correspondent friend from Los Angeles, California na si Oliver Carnay na Pinoy ang designer ng No. 1 daytime soap ng CBS Channel 2 sa Amerika, ang The Bold and The Beautiful na si Angelo Rebeck Santos.  Siya lamang ang kauna-unahang Pinoy na nanalo ng Emmy Award para sa "Best Creative Design" at nominado rin siya sa taong ito.

Idinagdag ni Oliver na may isa pang Pinoy ang nakapasok sa Hollywod, si Michael Copon. Kasama siya ngayon sa cast ng hit TV series na One Tree Hill ng Warner Bros.  Pinoy din ang isang kilalang Hollywood publicist na si Rembrandt Flores.

Hindi na talaga maiiwasan ang banggaan ng dalawang giant TV networks,ang GMA-7 at ABS-CBN pagdating sa kanilang mga programa.

Kung patuloy na umaalagwa sa ratings ang Darna ni Angel Locsin at Encantadia, mukhang tatapatan naman ang Darna ng Kampanerang Kuba ni Anne Curtis. Maingay na rin ang Panday TV series ni Jericho Rosales although wala pa ring nakukuhang leading-lady na makakapareha ng pangunahing bida.  Malapit na ring magsimula ang bagong TV series ni Richard Gutierrez, ang Sugo.

Ang Goin’ Bulilit ng Dos ay may katapat na rin ngayon sa Siyete, ang Bubble Gang, Jr. Maging ang mga game shows, news programs ay tapatan din kaya? Tuliro ang mga manonood.

Samantala, payagan pa rin kaya si John Prats na mag-guest sa Daddy Di Do Du ngayong magkakaroon na ito ng regular sitcom sa Dos, ang My Juan and Only na pangungunahan ni Aiai delas Alas?  Sa pagkakaalam namin, pinapayagan na umano ng ABS-CBN ang kanilang mga talents na walang trabaho na mag-guest kahit sa karibal nilang istasyon, ang GMA-7?  Sa move na ito ng Dos, pumayag din kaya ang GMA Artist Center na mag-guest sa Dos ang kanilang mga contract talents?

Bakit kaya hirap na hirap ang ABS-CBN na hanapan si Jericho Rosales ng makakapareha nito sa Panday series samantalang napakarami nilang in-house talents na mapagpipilian?

a_amoyo@pimsi.net

Show comments