Noong araw, mabilis na sumikat ang mga nanalo sa mga amateur contests.
Noong magkaroon ng local version ng Star For A Night na sikat na sikat sa Europe at siyang ginagaya ngayon ng maraming singing contests dito sa atin, malakas din ang naging dating ng mga nanalong sina Sarah Geronimo at Rachelle Ann Go. Pero ang mga sumunod pa sa kanila ay hindi na napansin.
Masyado na kasing dumami ang ganyang klase ng contests. Hindi man nagtatagal ang isang winner, may idedeklara na namang ibang champion ang ibang show, tapos iyong mga nanalo sa halip na mabigyan ng tamang build up, nakakasali na lang sa mga TV shows na smorgasbord, kung hindi man matatawag na halu-halo.
Papaano nga napakarami na nila. Hindi mo na alam kung sino nga ba sa kanila ang sisikat talaga, kaya ang nangyari maski na iyong may mga pangalan na, nabatak pa pababa.
Mayroon din namang nanalo sa pagkanta, tapos pinilit na gawin pang artista sa pelikula, kagaya noong nangyari kay Mark Bautista. Ano ang nangyari, flop ang pelikula at may career pa ba siyang masasabi sa pag-arte?
Palagay namin, ok iyang mga ganyang contest pero dapat sana hindi masyadong marami dahil kung ganyan ngang napakarami nang contest, maraming masyadong nananalo, hindi na halos sila mapansin. Para rin iyang mga best actor at best actress, hindi na napapansin dahil sa rami ng nagbibigay ng awards.
Lalo na nga iyong mga nire-replay nilang mga luma nang tele-novela, wala nang bayad ang mga iyan dahil oras na bilhin nila iyan, kasama na roon ang guarantee na maaari rin nilang mai-replay iyon nang tatlong ulit.
Kaya iyang mga pambobola na "by insistent public demand" inilalabas lang nila iyan para makakuha pa ng commercials nang wala na silang puhunan dahil replay na nga lang iyon.
Naiintindihan din naman namin kung bakit kailangang gawin iyon. Kailangan din naman nila ng pambawi ng gastos, kaya nga lang ang hindi maganda, nababaling ang atensiyon ng audience sa mga palabas na dayuhan at ang nawawalan in the end ay ang mga talents na Pinoy.