Sinasabi naming hindi dapat na matapos sa ganyan na lang ang imbestigasyon, dahil palagay namin higit na mahalagang malaman kung saan nakakuha ng ganoong baril si Jam. Kasi kung ang isang batang kagaya niya ay nakakakuha ng ganoong armas, na sinasabi nga nilang illegal dahil walang papeles, aba eh kailangang kumilos tayo dahil ano nga ba ang magiging katiyakan natin na ang ibang mga kabataan ay hindi rin makakakuha ng ganyan?
Si Jam, sa aming palagay, ay hindi lamang offender kung di biktima rin naman sa kasong yan. Yong pagkakamali noong bata ay hindi masasabing dahil lang sa kanya, kundi dahil sa impluwensiya rin ng mga nasa paligid niya.
Marami na rin ang nagtatanong, bakit nga raw ba maraming artista ang nahuhulihan ng illegal na baril?
Kung natatandaan ninyo, yan ang dahilan ng pagkakakulong ni Robin Padilla. Yon din ang naging kaso ng isa pa niyang kapatid. Bukod sa kanila, may mga iba pang nahulihan din ng illegal na baril noong araw, pero doon lang laging natatapos ang imbestigasyon. Ang dapat na malaman natin ay kung saan nga ba nakukuha ang mga illegal na baril para matigil na iyang source at maiwasan na ang mga kasunod pang ganyang kaso.
Tapos, naghahanda pa lamang sila para sa repeat ng concert ni Pilita Corrales na kasama ang baguhang si John Joven sa Club Mwah, sinasabing baka kailangan na naman nilang maghanda para sa isa pang repeat dahil malapit na ring maubos ang tickets noon, eh sa May 26 pa ang concert.
Palagay namin, kung ganyan nga nang ganyan, baka tuluyan nang malinya si Kuya Germs sa produksyon ng mga concerts. Gusto naman niya iyan, hindi dahil sa malaki ang kita kundi dahil nakakatulong siya sa mga singers.