Aiko Melendez, sinusundan si Jed Madela

Kalalabas pa lamang ng "Songs  Rediscovered" album ni Jed Madela sa Indonesia umakyat na sa No. 5 slot ng Indonesia Top 40 charts ang Pinoy artist.

Nag-debut sa Ardan Flight 40 charts doon ang "Songs Rediscovered" ni Jed sa 36th spot. Nag-zoom up ito sa 16th place matapos ang isang linggo.

Sa latest charts nga, nasa ika-5 pwesto na si Jed Madela. Nakakatuwa naman ito para sa ating Pinoy talent na world-class naman talaga.

Isa na naman itong magandang senyales na pwede na uling mag-export ng mga Pinoy recordings dito sa ating ASEAN region.

Kung natatandaan pa ninyo ang mga bestselling Pinoy singers tulad nina Victor Wood at Freddie Aguilar ang siyang mga unang tinangkilik ng husto sa Indonesia at sa iba pang bansa ng Asya.

Ang most recent na nagtamo ng tagumpay sa buong rehiyon ay ang singer/composer at Mr. Diamond na si Jose Mari Chan. Ilan sa mga big hits ni Joe sa buong Asia ay ang "Beautiful Girl", "Please Be Careful With My Heart," "My Girl," "My Woman, My Friend" na pawang mula sa kanyang Diamond album sa "Constant Change".

Ang "Constant Change" album mismo naging triple platinum sa Indonesia. Sa bansang ito, kapag sinabing platinum, dapat bumenta ng at least 80,000. Ibig sabihin, mahigit 200,000 ang binenta ng album na ito doon. Kaya naman lahat ng mga albums ni Joe na inilabas doon, big hits din.

Ako mismo, nakasaksi sa kasikatan ni Jose Mari Chan sa Indonesia. Naisama ako sa kanyang promo tour doon at nakita ko kung paano dinudumog at pinagkakaguluhan ang singer/composer sa bawat mall show niya.

Kahit sa kanilang pinakamalalaking mga malls, punung-puno ng mga tagahanga ni Joe, na nagtiyagang maghintay sa napakahabang mga pila, makapagpapirma lamang sa kanya.

Buti naman at may kasunod ng Pinoy na magiging Asean sensation– si Jed Madela. Ang balita pa, bukod sa kanyang music chart triumph, malapit ng mag-gold doon ang "Song Rediscovered" at pupunta rin sa pagiging platinum.

Naibalita pa ng Indonesian music executive na si Sujanto Ngaginta, tuloy ang pagpapalabas ng "How Can I Fall" video ni Jed sa mga leading music channels sa kanilang bansa. Ito ang isa sa mga nagiging most requested song doon, kaya’t malamang na mag-top din ang kanta sa video charts.

Malamang na susunod na rin ang promo tour ni Jed doon na itataguyod ng PT Indo Semar Sakti, ang music company na naglabas ng "Song Rediscovered" album doon.

Tulad ni Joe, isang artist si Jed Madela na kapag narinig mag-perform live ay higit na kinagigiliwan ng mga music lovers. Kapag nakakanta ng live si Jed doon, siguradong magiging isa sa mga in-demand live performers sa Indonesia.

Sa ating bansa, naman, higit na dumarami ang tagahanga ni Jed dahil sa kanyang "Songs Rediscovered" album. Maging si Konsehala Aiko Melendez ng Quezon City, pinagmamalaking fan siya ni Jed.

Sa katunayan, tatlong CDs ng "Songs Rediscovered" ang binili ni Aiko. Ang isa sa bahay niya pinakikinggan, sa kotse at ang ikatlo sa office niya!

Kaya naman nagpasiya si Konsehala Melendez na dapat mapanood niya ng live si Jed Madela. Sinadya niya ang singer sa isang venue na palaging kinakantahan.

Higit siyang humanga kay Jed Madela as a live performer. Bukod kasi sa maganda talaga ang tinig ni "The Voice," malawak pa ang kanyang repertoire.

Si Jed Madela kasi ang singer na kapag nagsimulang kumanta, tiyak na pakikinggan hanggang matapos ang palabas.

Magtataka pa ba tayo kung bakit pawang mga papuri ang ibinibigay sa "Song Rediscover" album at sa mga live concerts ni Jed Madela?

Show comments