Sa ipinalabas na kautusan ng CA 15th Division, hindi napatunayan ni Vera Perez na walang lunas ang psychological incapa-city ng asawang si Bernadette Marquez Perez kayat ibinasura ang petition for annulment of marriage na kanyang inihain.
Sa halip, mas pinagtibay pa ng appellate court ang naging hatol ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 89 na nagpawalang-saysay sa inihaing annulment.
Naniniwala ang CA na mapagmahal at naging mabuting ina at asawa si Bernadette sa kabila ng pagkakaroon ng dalawang kalaguyo ng kanyang asawa. Napalaki rin ni Bernadette ang tatlong anak sa kabila ng pagpapabaya ng ama.
Pinatunayan din ng aktor na si Lander Vera Perez, na silang magkakapatid kabilang sina Manuel at Jose Ramon ay kinalinga at pinagtiyagaang palakihin ng ina sa kanilang tahanan sa Valencia St., New Manila, Quezon City.
Umalis lamang sa tahanan si Bernadette nang iuwi sa kanilang bahay ni Vera Perez si Elvie Gonzales, ina ng aktres na si Charlene Gonzales. Nabatid pa na sapilitang pinagmamano ni Vera Perez ang mga anak sa madrasta at ipinatatawag itong "Tita Elvie".
Hindi sumang-ayon ang CA sa pagpapatunay ng psychiatric test na isinagawa ni Dr. Cecilia Albaran kay Bernadette, isa lamang umanong self-serving ang ebidensiya dahil hindi binigyan ng pagkakataon na kausapin o kunan ng panig ang mga anak upang mabatid ang tunay na ugali ng mga magulang.
Mas malaki ang naging pagkukulang ni Vera Perez sa may- bahay dahil nagawa nitong makipag-relasyon ng dalawang beses sa iba.
Dahil dito, inatasang magbigay ng buwa-nang allowance na P20,000, si Vera Perez sa kanyang tunay na pamilya sapul noong Mayo 1998 hanggang sa kasalukuyan at sa darating na panahon. (Ulat ni Ludy Bermudo)