Wanted: Presidente ng KAPPT

Nalalapit na naman ang buwan ng Mayo. Ang ibig sabihin, panahon na naman ng eleksyon ng Kapisanan ng Manggagawa ng Pelikulang Pilipino at Telebisyon (KAPPT). Muli na naman tayong maghahalal ng mga karapat-dapat na mamumuno sa ating mga taga-showbiz.

Kaya lahat ng miyembro ay tinatawagan ko para magparehistro sa Sampaguita Studio. Makiisa kayong lahat dahil para ito sa ating kapakanan.

Ngayong tapos na ang aking termino, hinihiling ko naman sa mga kapwa natin artista na tanggapin ang hamon ng mababakante kong posisyon at iba pang posisyon - bukod sa presidente hanggang sa pagiging board member.

Sino pa ba ang inaasahan nating magmamalasakit kundi ang mga artista na kinikilala at nirerespeto ng ating industriya.

Kaya nananawagan ako kina Richard Gomez, Ricky Davao, Albert Martinez, Christopher de Leon at marami pang iba. Makiisa kayo at maging leader ng KAPPT. Malaki ang tiwala ko sa inyo at naniniwala ako sa kakayahan n’yo kaya sana naman ay pumayag kayong mahalal.
* * *
Alam kong maraming sang-ayon at matutuwa sa desisyon naming kay Dennis Trillo at Angel Locsin ipagkaloob ang German Moreno Youth Achievement Award sa taong ito.

Marahil naman ay hindi ko na kailangang isa-isahin kung bakit sila karapat-dapat na tumanggap ng award na ito.

Ganun pa man, ipinararating ko pa rin kina Angel at Dennis na patuloy na magsilbing magandang halimbawa sa mga kabataan sa loob at labas ng showbiz.
* * *
Pararangalan din ng FAMAS si John Joven bilang Ambassador of Goodwill sa kanyang mahusay na pagganap sa Miss Saigon (German version.)

Kung hindi n’yo pa alam ay kinilala ang galing ni John hindi lang sa Miss Saigon (Germany) kundi maging sa ibang broadway o stage plays na kanyang pinagtanghalan sa iba’t ibang bansa rin.
* * *
Mukhang maganda ang panonood ng ating mga tsikiting ngayong panahon ng bakasyon dahil matutunghayan na nila ang paglipad ni Darna.

Mapapawi na ang ating pananabik sa ipinagmamalaking palabas ng GMA-7 dahil simula sa susunod na Lunes ay matutunghayan na natin ang Darna ng bagong henerasyon sa katauhan siyempre ni Angel.

Kung paanong naging kapana-panabik ang bawat eksena ng Mulawin, siguradong dobleng saya ang hatid sa atin ng Darna.

Sa lahat ng mga nagtatanong kung ano na ang gagawin ni Richard Gutierrez ngayong tapos na ang Mulawin, huwag po kayong mag-alala dahil may nakahanda nang palabas para sa kanya, ang Sugo.
* * *
Sana’y naging masaya ang inyong bakasyon sa mga nakalipas na araw at siyempre ang pangingilin kasama ang inyong mga pamilya.

Sa susunod na Sabado po uli tayo magkita-kita sa Mastershowman Walang Tulugan..

Show comments