Mukhang settled na sa kanilang buhay sa Amerika ang
Muñoz brothers na sina
Leandro at
Carlo na may kani-kanya na ring pamilya roon. May nagsabi sa amin na sa Chino Hills nakatira ang magkapatid at pareho silang namamasukan sa isang kumpanya na manufacturer ng plastic bottles. Paminsan-minsan ay naiimbitahan ang magkapatid para mag-host ng ibat ibang affairs ng Pinoy community sa California. Noong isang taon ay nakita namin ang magkapatid na siyang nag-host ng
Night of the Champions concert nina
Sarah Geronimo, Mark Bautista, Christian Bautista at
Rachelle Ann Go na ginanap sa Orpheum Theater sa Los Angeles, California.
Sina Leandro at Carlo ay parehong nagsimula sa
Star Circle ng
ABS-CBN Talent Center.
Mukha yatang napapabayaan na sa
ABS-CBN ang magkapatid na
John at
Camille Prats. Sa
ASAP na lamang napapanood si John habang si Camille naman ay walang regular show matapos mawala sa ere ang
Home Along Da Airport.
May nasagap kaming balita na kinukuha umano ang magkapatid ng
GMA at itoy masusing pinag-aaralan ng ama ng magkapatid na si
Dondee Prats.
Kung loyalty ang pag-uusapan, nasa ABS-CBN ang puso ng magkapatid, pero ngayong wala na silang show, kinakailangan naman nilang maghanap ng ibang trabaho at nagkataon naman na may alok kay John ang
Daddy Di Do Du na pinangungunahan ng TV host-comedian-producer na si
Vic Sotto. Tatlong beses nang nakapag-guest si John sa nasabing sitcom bilang ka-love interest ni
Maxene Magalona at mukhang may future ang tambalan ng dalawa kung magtutuluy-tuloy.
Since wala namang ibang trabaho si John sa ABS-CBN, pinapayagan siya ng
Star Magic na mag-guest kahit sa kalaban nilang network, ang
GMA-7.
Ang laki na talaga ng ipinayat ni
Sunshine Dizon magmula nang itoy magpa-lipo. Nakita namin si Sunshine sa
Golden Screen Awards nung nakaraang Sabado nang itoy maging presentor kasama ang
StarStruck 2 avenger na si
Kirby de Jesus. Nominado rin siya sa Best Supporting Actress category para sa pelikulang
Sabel pero ang award ay napunta kay
Ara Mina sa pelikulang
Minsan Pa.
Matapos silang mapanood sa matagumpay na
Let The Love Begin, may bagong pelikulang pinagkakaabalahan ngayon ang magkasintahang
Jennylyn Mercado at
Mark Herras sa bakuran ng
Regal Films, ang
Say That You Love Me na pinamamahalaan ni
Mac Alejandre.
Sampung buwan nang magkasintahan sina Jennylyn at Mark na nagsimula nang magkasama sila sa
StarStruck 1 kung saan sila pareho ang naging ultimate survivors.
Pero habang tumatagal ang kanilang relasyon ay saka naman may ibang taong gustong sirain ang kanilang magandang pagsasama. Nariyan ang issue na ayaw umano ng pamilya ni Mark kay Jennylyn. May dagdag pang issue na sinisiraan umano si Jennylyn ng alalay ni Mark para lang magkahiwalay ang dalawa. Pero nananatiling matibay ang pagmamahalan ng dalawa lalo na ngayon na nasa gitna sila ng maraming pagsubok.
Personal: Belated birthday greetings kay
G. Dioceldo Sy ng
DSS Marketing nung nakaraang Sabado, March 5.
<
a_amoyo@pimsi.net>