Bonel Balingit, ini-export na rin !

Huwag kayong magtataka kung mababalitaan n’yo na ini-export sa US ang basketbolista at komedyanteng si Bonel Balingit. Katunayan, aalis ito sa Marso 3, para maglaro sa isang koponan ng mga Fil-Am sa Detroit. Dapat ay nung magsimula ang liga pa siya kinu-kontrata pero, hindi siya makaalis agad dahil nga may ginagawa siyang movie, yung katatapos lamang na maipalabas na Hayop sa Porma, Hanep sa Ganda at bagong ipalalabas na Saksi Driver.

"Ayoko rin namang umalis kaagad dahil gusto kong sa semifinals lamang maglaro at sa grand championship," anang 6’9" na basketbolista na kapag naririto sa Pilipinas ay basketball din ang inaasikaso, kundi man ay ang paggawa ng pelikula. "Nagdaraos din kami ng basketball clinic para sa mga kabataan at sumasama ako sa mga exhibition games ng San Miguel All Star," dagdag pa niya.

Ikalawang pelikula niya para sa taong ito ang Saksi Driver na kung saan ay ginagampanan niya ang role ng isang taxi driver na gamit ay ang maliit na taxi at kasama niya ang kanyang anak sa pelikula na si Tenten nang makasaksi sila ng isang krimen.

Ang pelikula na ipalalabas sa Marso 2 ay kinunan sa Baguio at La Union. Katambal niya rito ang sexy star na si Maye Tongco.

May isa pang pelikula na natapos si Bonel, ang Pasaway Na Multo katambal si Rajah Montero at pinaplano na ang Gods Must Be Okay. Lahat nito ay comedy.
* * *
Sigurado ako, di n’yo palalampasin ang pagkakataon na mapanood ng live ang tinaguriang Maestro na si Ryan Cayabyab ngayong Valentine 12, 13 at 14 sa SM Megamall at Pebrero 19 sa Shangrila Mall. Makakasama niya ang San Miguel Philharmonic Orchestra at ang San Miguel Master Chorale. Lahat ng palabas ay magsisimula sa 5NH. Pipirma ng autograph si Mr C pagkatapos ng kanyang mga palabas.

Samantala, may inilabas ang
BMG Records Pilipinas na isang CD na nagtatampok sa Maestro. Pinamagatang "Great Original Pilipino Music by Ryan Cayabyab", nagtatampok ito ng live orchestration ng The San Miguel Master Chorale sa saliw ng The San Miguel Philharmonic Orchestra under the batons of Ryan and Eudenice Palaruan.

Ang mga komposisyon ni Ryan na tampok sa CD ay ang "Tuwing Umuulan at Kapiling Ka", "Paraiso", "Tunay Na Ligaya", "Liman-Dipang Tao", "Nais Ko", "Iduyan Mo", "Paraisong Parisukat", "Kahit Ika’y Panaginip Lang", "Tsismis", "Da Coconut Nut", "Iniibig Kita", "Awit Ng Pagsinta" at "Hibang Sa Awit".
* * *
Isa sa mga bagong 30 palabas ng ABS CBN na binigyan ng isang bonggang launching ay ang Quizon Avenue, tampok ang Hari ng Comedy na si Dolphy kasama ang kanyang mga anak na sina Eric, Jeffrey at Vandolph.

Isa itong kakaibang comedy show na nagtatampok din kina Pokwang, Kitkat, Ya-Chang at si Jenny.

Napapanood na natin ang MRS, Homeboy, ang telenovelang Rubi, GKNB?, Wowowee, Save The Last Dance For Me, Goin Bulilit, Search For The Star In A Million, Star Dance, ETK, Y Speak Now at ‘Til Death Do Us Part.

Ang Okay Fine Whatever lamang ang natira sa mga dating palabas bagaman at ito ay may pagbabago rin sa katauhan ni John Estrada na additional sa palabas.

Kasali pa rin sa mga bagong programa ng Dos ang Kamao, Kaya Mo Ba ‘To?, Bora, Tonight At The Manzanos na kung saan kasama ng mag-amang Edu at Luis si Aubrey Miles at marami pang iba.
* * *
veronicasamio@yahoo.com

Show comments