Marami ang nakakaalam na siya ay si Judge Esperanza Fabon Victorino ngayon, doon sa Regional Trial Court ng Pasig City. Kung mapapasyal kayo sa Hall of Justice o Bulwagan ng Katarungan sa Kapitolyo ng Pasig, maaaring mapasyalan ninyo ang kanyang sala at tanggapan.
Sa dami ng kasong dumaan sa kanya, maaring makasulat na si Judge Espy ng mga aklat tungkol sa batas o sa mga pangkaraniwang karanasan ng tao.
Maging ang kanyang sariling buhay ay maaring maging paksa ng isang magandang nobela.
Maagang nabiyuda sa kanyang mister na isang lawyer/police officer si Hukom Victorino. Kayat mag-isa niyang tinaguyod ang kanyang tatlong anak na babae.
Pawang mga dalaga at titulada na ang daughters ni Judge Espy at silang tatlo ang itinuturing niyang malaking kayamanan.
Ang kanyang panganay na si Margarita ay graduate ng Ll. B., nakakuha na ng bar exams at naghihintay na lamang ng resulta nito upang maging isang ganap na abogada tulad ng kanyang mama.
"Unang kinuha niya medicine," kwento ni Judge. "Kaya lang nag-shift sa law at hindi niya talaga gusto ang maging doktor. Gusto ko kasing magkaroon ng isang doktora sa aming pamilya."
Unang nakilala si Judge Espy bilang isang sikat na singer/ recording artist at artista sa TV at pelikula. Nakagawa siya ng mga long playing albums na nag-hit noong 70s. Naging headliner siya sa ilang youth oriented TV shows at maging sa pinakasikat na radio show noon na Operetang Putol-Putol.
Naging tampok din siya sa mga pelikula na ang mga bida ay pawang mga batang artista at singing stars tulad nina Nora Aunor, Vilma Santos noong dekada 70.
Ang maganda kay Judge Espy, nagsikap siya at nag-impok upang makatapos ng pag-aaral. Naging abugada siya at nagkaroon ng mataas na posisyon sa hudikatura. Hanggang ngayon siya lamang ang tanging naging showbiz personality na naging ganap na Hukom.
Kahit nasa magandang buhay na, nagpatuloy pa rin ng higher studies si Judge Espy. Nakatapos pa siya ng Master in Business Administration. Sa ngayon kumukuha siya ng kanyang Doctorate sa batas sa San Beda College.
"Kahit mahirap at kulang talaga sa panahon dahil sa dami ng trabaho, pinagsisikapan kong matapos," paniniyak niya na makakamit niya ang pinakamataas na bahagdang ito ng edukasyon.
Kaya naman lahat ng kanyang mga anak ay buong-buo ang kaalaman kung gaano kahalaga ang pag-aaral.
Ang kanyang second daughter na si Magnolia, kasalukuyang kumukuha ng masteral degree in hotel management. Ibig sabihin nakatapos na siya ng kanyang bachelors degree at titulada na. Bukod sa pagma-master, nag-aaral pa siya ng international culinary arts sa isang pangunahing school sa larangang ito.
Mukhang gusto ng pangalawang anak ni Judge Espy na magtayo ng sariling restaurant o hotel.
Ang bunso sa pamilya Fabon-Victorino na si Eugenia, kumukuha ng Doctorate in Economics sa International University of Venice sa Italy. Kasabay pa siyang nagdodoktorada sa International Studies sa nasabing prestigious institution.
Nagkapalad si Eugenia na makapasa sa isang scholarship program ng Italian government. Kaya lahat ng kanyang matrikula, board and lodging, plus allowance; sagot ng gobyerno ng bansang Italya.
"Dinalaw namin siya doon sa Venice, kasama ko ang kanyang dalawang kapatid," tuloy ang kwento ni Judge Espy. "Tuwang-tuwa ako sa nakita kong magandang pagbabago sa aking anak."
Bukod kasi sa naging independent ang kanyang bunso naging very well-organized pa ito at masinop sa mga gamit at pera.
"Masaya ako nang makita ang magandang pagkakaayos ng kanyang mga gamit sa kwarto niya," pagmamalaki ni Judge Espy sa anak. "Meron pa siyang pagpapa-budget na ginagawa para sa kanyang gastusin. Noon sa bahay, naku matitirhan na ng ahas ang kuwarto niya sa gulo. Ibang-iba talaga nang magsolo na siya sa Venice."
Si Eugenia pa mismo ang nag-organize ng tour nilang mag-iina sa Italy at sa ibang bansa sa Europa noong nanduon sila. Tunay na nakatulong sa pag-mature at pag-develop ng personalidad ng bunsong anak ang pag-aaral niya sa Venice.
Sa ngayon, hindi pa rin pala masasabing kuntentong-kuntento na siya sa buhay. Gusto pa kasi ni Judge Espy na maging ganap na Doctor of Law.
Malapit na naman niyang maabot ang isang pangarap dahil ibayo ang kanyang pagsisikap. Pagdating dito, pwedeng mabigyan pa siya ng higit na mataas na posisyon. Maari din naman magsimula na siyang magsulat ng mga libro na pakikinabangan ng marami nating kababayan.