Kung gusto nilang magkaroon ng karampatang power sa taunang film fiesta, maari naman silang maging co-chairman o kayay maging puno ng mga ibang committee tulad ng peace and order (security) at ng paniniyak ng cooperation ng ibat ibang lungsod at munisipalidad sa Metro Manila.
Ang katwiran sa pagbibigay sa kanila ng hindi nararapat na kapangyarihan ay ang pagsasakrispisyo ng mga lungsod at bayan sa Metro Manila ng kanilang municipal tax sa tuwing Metro Manila Filmfest.
Buong taon naman silang nakikinabang ng malaking bahagi ng kita ng mga pelikulang Pinoy at sa sampung araw lamang ng festival sila magbabalik ng konting biyaya sa ating naghihingalong pelikula.
Tulad sa kasalukuyang Metro Manila Filmfest, nagbalak pa pala ang mga pulitikong namamahala nito na tanggalin ang mga kategoryang Best Musical Scoring at Best Theme Song.
Malaking kabalbalan kung natuloy ito. Meron ba namang pelikulang walang musika? Ano kaya ang madarama ng mga manonood na wala man lang musical scoring ang mga tagpong drama, katatakutan at katatawanan?
Ano naman kaya ang maging itsura ng Metro Manila Film Festival awards night show kung walang musika at mga kanta?
Ang katwiran ng isang opisyal ng Malacañang kung bakit binalak nilang tanggalin ang ibang kategorya sa awards nights ay para umigsi ang programa.
Sa konting minuto ng pagbibigay ng karangalan sa nararapat bigyan, hindi naman siguro hahaba ang show ng MMFF. Ang tunay na nagpapahaba sa taunang awards night show ng festival ay ang pagsali at mahabang mga talumpati ng mga pulitiko.
Ginagawa nilang venue ang MMFF awards night upang mapanood sila ng masa o ng mga botante. Itong mga nakakabagot na bahagi ng MMFF awards show ang dapat na tanggalin.
Ang gusto pa ng mga pulitikong ito na galing sa ibat ibang lugar ng Metro Manila, tawagin silang isa-isa at ipakita sa TV kung hindi man mabigyan ng oras na makapagsalita lahat. Gawin ba namang political rally ang MMFF awards night!
Lalo pa kung matapat ang festival na malapit na ang eleksyon, ay naku!
Lalo na sa 2004 MMFF. Pati na ang in-charge sa media-relations, hindi napadalhan ng seasons pass.
Magtataka pa ba tayo kung saan napupunta ang seasons pass? Noong mga nakalipas na taon, natutuwa ang mga opisyal ng barangay dahil binibigyan sila ng seasons pass. Syempre galing sa mga punong bayan ito na gustong magpalakas sa kanila at makuha ang kanilang mga boto tuwing eleksyon.
Ang mga press people na patuloy na sumusuporta sa festival, sa pagbibigay ng malawakang publisidad, hindi man lamang mapadalhan ng seasons pass.
Noon naman kasing nakaraang festival talagang taga-pelikula ang kasama sa mga gumagawa ng desisyon, maayos ang lahat. Minsan pa nga, sa presscon pa lamang para sa MMFF, namimigay na ng seasons pass.
Ang iba namang hindi nakadalo, ipinapadala sa kani-kanilang mga publication o kayay sa mga press club na kanilang kinabibilangan.
Sa festival ngayon at mga nakalipas na ilang taon, hindi na talaga mabibigyan ng magandang publisidad ang festival kung hindi lamang sa mga kompanyang may official entry. Sila ang nagtatrabaho.