Vilma, Judy Ann mahigpit na magkalaban sa MMFF best actress category

Mahigpit na maglalaban para sa Best Actress Category sina Mayor Vilma Santos at Judy Ann Santos sa darating na Metro Manila Film Festival. Pareho silang magaling umarte at nailarawang mabuti ang mga papel na ginampanan– si Juday bilang kumander ng gerilya sa Aishite Imasu 1941 kung saan sumabak pa ito sa barilan at si Vi bilang si Lilia Chiong-Yang na umibig sa dalawang lalaki na sina Jay Manalo at Christopher de Leon.
Kris, Suportado Ng Kanyang Mommy
Ang ganda ni Kris Aquino nang dumating sa red carpet premiere night ng So... Happy Together ng Regal Entertainment. Naroon din ang kanyang inang si dating pangulong Cory Aquino gayundin ang anak na si Joshua.

Bago nagsimula ang movie ay nilapitan ng TV host-actress ang mga nakaupong press people sa kanyang unahan.

Nakakaaliw ang So... Happy Together kaya nga natatawa ang dating pangulo laluna doon sa eksenang pinindot ni Eric ang boobs ni Kris.

Mula sa pagiging magaling na direktor ni Joel Lamangan sa drama ay naipamamalas din ang creative powers nito sa komedi kasama ang kanyang kaibigang screenwriter na si Ricardo Lee.

Maganda ang mensahe ng pelikula kung saan ipinakita ang pagiging magkaibigan ng dalawang tao (lalo na ang isa ay bading) na posibleng mangyari sa tunay na buhay.
Dennis, Mas Mahaba Ang Role Kay Raymart
Ang galing-galing ni Dennis Trillo sa Aishite Imasu (Mahal Kita) 1941 bilang bading na minahal ni Jay Manalo na lumabas na Japanese officer. Hindi lang dahil sa ayos at kilos babae ang panlaban nito sa ngayong MMFF Awards Night kundi natural na natural ang pag-arte bilang si Ignacio. Parang siya nga ang bida dahil maigsi lang ang role ni Raymart Santiago.

Masayang-masaya ang magaling na aktor at hindi umaasang mananalo sa awards night dahil puro magagaling ang lahat ng aktor na may entries sa film festival. "Pero kung papalarin, ito na marahil ang best Christmas gift na matatanggap ko," aniya.

Kaiba ang Pasko niya this year kumpara sa mga nakalipas na taon dahil rumatsada ang kanyang career at nakaipon siya ng pera.

Paano naman niya ipinagdiwang ang Kapaskuhan?

"Siyempre buong pamilya ay magkakasama-sama. Dinalaw namin yoong side ni Mommy at tumuloy naman kami sa side ni Daddy sa Marikina. Nasa bahay lang ako para salubungin ang mga inaanak ko at kamag-anak. Swerte ako sa taong ito at sana’y lalo pang gumanda ang career ko" aniya.

PERSONAL: Maligayang Kapaskuhan sa lahat! Ang tunay na diwa ng Pasko ay wala sa regalo o mararangyang bagay kundi nasa pagmamahalan at pagpapatawad sa kapwa.
Claudine, Dedma
Kasama ni Raymart Santiago si Claudine Barretto na nanood ng Aishite Imasu kung saan kahit simple lang ay lumitaw pa rin ang kagandahan nito. Maraming eksenang naghahalikan sina Raymart at Judy Ann dahil mag-asawa sila sa pelikula. Mayroon ding bed scene dahil gusto nilang magkaanak muli matapos makunan si Juday.

Nasa unahang upuan namin si Claudine at tinitingnan ang reaksyon nito. Nakangiti lang ito at dedma lang sa mga lovescenes.

Show comments