Billboard ng ‘Enteng Kabisote’ sa EDSA, ninakaw

Bukas (Dec. 21) na ng gabi ang huling lamay sa hari ng pelikulang Pilipino na si Fernando Poe, Jr. sa Sto. Domingo Church na nakatakdang ihatid sa kanyang huling hantungan sa North Cemetery sa Laloma pagkatapos ng isang concelebrated mass. Sa kahuli-hulihang pagkakataon, muling magkakasama ang matalik na magkaibigang FPJ at dating Pangulong Joseph Estrada dahil pinayagan ang huli ng Sandiganbayan na makadalo sa huling lamay ng kanyang pinakamamahal na kaibigan.

Wala pa ring patid ang dagsa ng mga taong nakikiramay sa action king. Kung dati-rati’y isang kilometro lamang ang haba ng pila at nilalakad bago masilayan ang namayapang showbiz icon, ngayon ay abot na ito ng halos apat na kilometro pero hindi ito alintana ng mga tao sa pagnanais na makita sa huling pagkakataon ang kanilang idolo.

Samantala, tiyak na tuliro at malungkot ngayon si Manay Ichu Maceda dahil dalawa sa mga taong malalapit sa kanyang puso ay pinaglalamayan ngayon. Kapamilya na halos ni Manay Ichu ang mag-asawang FPJ at Susan Roces at pamangkin naman niya si KC Perez-de Venecia na sumakabilang buhay nung nakaraang Huwebes ng gabi nang masunog ang kanilang mansion sa Dasmarinas Village, Makati. Si KC ay bunsong anak ng nakababatang kapatid ni Manay Ichu na si Manay Gina de Venecia, ang butihing asawa ni Speaker Joe de Venecia.
* * *
Nakatanggap kami ng reklamo galing sa OctoArts Films  producer na si G. Orly Ilacad dahil nag-disappear umano ang mga billboards ng Enteng Kabisote: Okay Ka, Fairy Ko, The Legend na pinagbibidahan nina Vic Sotto at Kristine Hermosa. Ang katwiran ni G. Ilacad, kung may gustong magnakaw nito ay isa lang ang mawawala pero ang nangyari, nawala lahat ang mga billboards na nagkalat along EDSA. Ayaw man maniwala ni G. Ilacad, may mga nagsabi na sinadya umanong alisin ang mga billboards ng Enteng Kabisote… dahil nakakatiyak na umano ito na mangunguna sa takilya na ipalalabas simula sa araw ng Pasko. Ang kay G. Ilacad lang, sana’y patas lahat ang labanan para walang sakitan at samaan ng loob.

Samantala, ibinalita sa amin ni G. Ilacad na nabigyan ng B rating ng Cinema Evaluation Board (CEB) ang pelikulang Spirit of the Glass na pinamahalaan ni Direk Joey Javier Reyes for Canary Films. Ito’y tinatampukan nina Rica Peralejo, Dingdong Dantes, Marvin Agustin, Alessandra de Rossi, Drew Arellano, Ciara Sotto, Ana Capri at iba pa. Dahil sa B rating, mabibigyan ng 65% rebate sa amusement tax ang  pelikulang Spirit of the Glass.
* * *
Halos tatlong taong hindi gumawa ng pelikula ang Star for All Seasons at mayor ng Lipa na si Vilma Santos. Ang huli niyang pelikulang ginawa ay ang Dekada ng Star Cinema. Nang kausapin ni Mother Lily si Vi for a movie project, ibang proyekto ang kanilang pinag-usapan hanggang sa ito’y mabago at naging Mano Po 3 na muling pinamahalaan ng award-winning director na si Joel Lamangan.

Ayon kay Vi, hindi umano niya mapapalagpas ang ganito kaganda at kalaking proyekto kaya kahit abala siya sa kanyang tungkulin bilang alkalde at bilang maybahay ni Sen. Ralph Recto at ina ng kanyang dalawang anak na sina Luis at Christian, ang kanyang pagiging aktres ay hindi kailanman mawawala sa kanya.

Ang Mano Po 3 ay pang-24 na tambalan na nina Vilma at Christopher de Leon. Wala na sigurong makakatalo pa sa rami ng pelikulang pinagtambalan nina Vi at Boyet.

Ano nga ba ang sikreto ng tambalan nina Vi at Boyet at hanggang ngayon ay hindi pa rin pinagsasawaan ang kanilang tambalan?" Siguro ang respeto namin sa isa’t isa at ang pagmamahal namin pareho sa aming trabaho," tugon ni Mayor Vi.

Sa kabila ng kanilang madalas ng pagtatambal sa pelikula, never na na-link sa isa’t isa ang dalawa.

"Una, siguro hindi kami ukol sa isa’t isa. Kasal ako kay Nora (Aunor) noon at si Vi naman kay Edu (Manzano). Nang mahiwalay naman kami sa aming respective partners, may ibang boyfriend si Vi at may Sandy Andolong naman ako kaya wala talagang chance na maging kami," natatawang kwento ni Boyet. Sina Vi at Boyet ay huling napanood sa pelikulang Dekada.
* * *
Sina Antonio Aquitania, Paolo Paraiso at Girl ang mga espesyal na panauhin ngayong Martes ng gabi sa Christmas presentation ng Bahay Mo Ba ‘To? na tinatampukan nina Tessie Tomas, Ronaldo Valdez, Gladys Reyes, Wendell Ramos, Sherilyn Reyes, Francine Prieto, Sunshine Dizon, Keempee de Leon, Chynna Ortaleza, Dino Guevarra at iba pa mula sa direksyon ni Al Quinn.

Tulad ng dati, hindi pa rin nawawala ang pagiging magkaaway ng magkapatid na  Baby (Tessie) at Nene (Ronaldo) Muling tapang pero sa bandang huli ay muli rin silang magkakasundo.

Sa mga past episodes ng Bahay Mo Ba ‘To ng GMA 7, kapansin-pansin ang magandang chemistry nina Tessie at Ronaldo ganundin ang ibang bumubuo ng cast. Ito bale ang unang sitcom na nagsama sina Tessie at Ronaldo at maging sila ay hindi akalain na magki-click ang kanilang weekly sitcom.
* * *
<a_amoyo@pimsi.net>

Show comments