‘Sa kabila ng kalungkutan, dapat tayong bumangon’

Isang linggo na ang nakaraan nang makatanggap ako ng tawag habang nagso-show kami sa Master Showman noong Sabado na isinugod nga si Fernando Poe, Jr sa ospital. Bagama’t naiiyak na ako habang nagso-show ay pinilit ko pa ring pasayahin ang aming programa noong mga oras na iyon.

Kay bilis talaga ng araw. Hindi pa nagtatagal na nakakwentuhan ko siya, pero heto’t sa Miyerkules, dalawang araw bago mag-Pasko ay ihahatid na siya sa huling hantungan. Namaalam na si Da King. Pero katulad ng bukambibig ng karamihan, mananatili sa puso at diwa ang alaala na iniwan ng nag-iisang Hari ng Pelikulang Pilipino.

Kung paanong walang patid ang pagdagsa ng mga tao sa kanyang labi upang magbigay pugay sa apat na dekadang nagbigay sa atin ng inspirasyon, mapa-pelikula man o sa kanyang pribadong buhay. Nakikini-kinita ko na kung paano dudumugin ang paghatid sa kanyang huling hantungan ngayong darating na Miyerkules.

Kita n’yo naman ang napakalaking impact ng pagkawala ni FPJ, hindi lang sa industriya kundi sa bawat mamamayan, ordinaryo man o mayaman. Alam kong nagsilbing aral ang buhay ni FPJ sa ating lahat lalo sa mga taga-industriya.

Sana ay may iba pang katulad ni FPJ na malaki ang malasakit sa industriya ng pelikula partikular na sa manggagawa nito.

Muli ang aking taos pusong pagsaludo, paggalang at pagmamahal sa nag-iisang FPJ na isinisigaw ng bawat sambayanang Pilipino.
* * *
Wala nang pinakamasakit pa sa mawalan ng mahal sa buhay lalo na’t ang malagasan ka ng anak na babae katulad ng pangyayari sa mag-asawang Joe De Venecia at Gina de Venecia

Muli, ipinararating ko rin ang aking taos pusong pakikiramay sa buong pamilya. Alam naman ng lahat na kapamilya na ako ng mga De Venecia dahil malaki ang utang na loob ko sa kanilang ama na nagkupkop sa akin noong ako’y nagsisimula pa lang sa showbiz. Kaya talagang nasaktan ako sa pagkawala ni KC. Apo na ang turing ko sa batang ‘yan.

Ang tanging magagawa natin ngayon ay isuko sa Panginoon ang mga pangyayari. Ganoon pa man, kailangan pa rin nating mag-ingat.
* * *
Sa kabila ng mga malulungkot at masasakit na pangyayari, kailangan pa rin naman nating bumangon at ituloy ang ikot ng buhay.

Katulad nitong ating Metro Manila Filmfest. Lahat ay ready at excited na sa pagbubukas ng walong pelikula kalahok sa ating taunang piesta ng mga Pelikulang Tagalog.

Hangad ko na maging matagumpay ang bawat pelikula kahit na may konting mga aberya dahil hindi naman natin talaga maiiwasan ang mga ito.

Maganda ang walong pelikulang kasali kaya’t kung kakayanin n’yong panoorin lahat, gawin n’yo. Bihira lang ang ganitong pagkakataon.

Alam n’yo namang ito rin ang mga panahon kung saan ang buong pamilya ay nagba-bonding sa pamamagitan ng panonood ng sine.
* * *
Natuloy din ang aming taunang Christmas party sa KAPPT na ginanap namin sa Sampaguita Compound. Nag-alay kami ng misa at nag-distribute din ng mga regalo na tradisyon na naming ginagawa tuwing Kapaskuhan. Pero yung pangakong pa-raffle ay hindi nangyari. Huwag kayong mag-alala dahil katulad ng sinabi ko, bago matapos ang aking term ay magaganap ito pero sa buwan na ng Mayo.

Muli, mabuhay ang pelikulang Pilipino at Maligayang Pasko sa inyong lahat.

Show comments