Invitational ang concert ni Jasmine Trias sa Oct. 16 sa Araneta Coliseum!

Natuwa na sana ang maraming fans dito ni Jasmine Trias sa balitang darating ito ng bansa para mag-concert dahil makikita’t mapapakinggan na nila itong kumanta ng personal. Sa October 16 sa Araneta Coliseum gagawin ang concert nitong billed Jasmine: Fil-Am Idol, Live in Manila.

Napalitan lang ng lungkot at disappointment ang tuwa ng fans nang malamang invitational ang concert na produced ng Star Media. Ang ibig sabihin, hindi ka makakapanood kung hindi ka imbitado at hindi ka mapapadalhan ng invites kung wala kang kilala sa mga producer at sponsors.

Pwede rin namang maka-iskor ng free tickets kaya lang, kailangan mo munang manalo sa special promo na gagawin ng Smart at Bench na siyang major sponsors ng concert. Sorry na lang kung hindi ka manalo’t hindi mo mapapanood si Jasmine.

Hindi ba naman nakaka-disappoint? Madi-deprive ang napakaraming fans ni Jasmine na mapanood siya dahil sa sistemang ito? Bakit kasi hindi na lang magbenta ng tiket para lahat mabigyan ng chance na makapanood sa concert? Balita pa namang kasamang darating ni Jasmine si Camille Velasco, ang isa pang Fil-Am na lumaban sa American Idol 3 at sinubaybayan din ng lahat.
* * *
Noon pa pala kinukuha ng ABS-CBN si Railey Valeroso kaya, malakas ang loob nitong hindi mag-renew ng contract sa GMA-7 at gusto nga’y lumipat sa Dos. Ang offer kay Railey noon ay ipapareha siya kay Angelica Panganiban kapag lumipat. Hindi nabanggit ng manager nito kung bakit hindi natuloy sa Ch. 2 ang kanyang talent.

Malaki na ang chance na matuloy ang balak ng Ch. 2 na gawing magka-loveteam sina Angelica at Railey dahil hanggang bukas, September 27 na lang ang kontrata ng young actor sa GMA Artist Center. After tomorrow, libre na siyang lumipat sa Dos at pumirma ng kontrata kung may offer pa rin sa kanya.

Sabi’y nililigawan ni Railey ngayon si Nerizza Naig ng Star Circle Quest. Kung nasa Dos na siya’y matututukan na niya ang panliligaw sa dalaga.
* * *
Ang laki ng tampo ng isang TV reporter sa isang actor na gustong mag-comeback sa showbiz. Paano naman, inakusahan ng actor ang TV reporter na nagnakaw ng kanyang webcam nang interbyuhin siya nito sa kanyang bahay. Napahiya ang TV reporter sa management ng pinagtatrabahuhang TV station at mabuti na lang ay sa kanya naniwala ang kanyang mga bossing.

Sabi nga ng reporter, tinulungan na nga niya ang actor na maiparating sa mga kinauukulan ang paghingi ng tulong para muling mabigyan ng trabaho sa telebisyon nang kanyang interbyuhin tapos, pag-iisipan pa siya ng masama. Dahil sa nangyari, ayaw nang makialam ang TV reporter sa actor.

Wala na siyang ganang interbyuhin at tulungan pa ito sa susunod na manghingi ito ng tulong at baka kung ano naman ang ibintang sa kanya.
* * *
Kapupulutan na naman ng aral ang mapapanood na episode sa Wansapanataym ng ABS-CBN this Sunday. Sa episode na pinamagatang Magic Eyeglasses, ipapakita ang masamang dulot ng pag-abuso at kasakiman.

Guest ang child actor na si Julio Pacheco sa role ni Paco na dahil sa kabaitan ay binigyan ng eye glasses nang tinulungan niyang misteryosong babae. May magic ang eye glasses at ‘pagsuot ito’y nakikita ang hinaharap at napipigilan ang aksidente. Kaso, inabuso ang paggamit nito ng madrasta ni Paco at ginamit pa siya sa kasamaan. Panoorin kung ano ang mangyayari sa mga taong sakim at masasama.

Guest din sa episode na dinirihe ni Eric Reyes sina Nadia Montenegro, Joana Tan at Lito Pimentel.
* * *
Apat na uli ang member ng K and the Boxers sa pagkakadagdag ni Shanna Hife sa grupo nina K Brosas, Cris Samonte at Daniel Lardizabal. Nadiskubre si Shanna sa Star In A Million kung saan siya naging finalist. Hindi nahirapan ang grupo na himukin siyang sumali dahil heto’t ka-join na siya sa kanilang mga show.

Kasama na si Shanna sa regular gig ng grupo sa Soundstage Cainta (every Tuesday), Klownz Araneta Center (every Wednesday), Ratsky Malate (every Thursday), and Ratsky Morato (every Friday).

Nag-hit ang "Sasakyan Kita", ang first single release ng CD Lite album ng grupo at tiyak na maghi-hit din ang bago nilang single na "Hay! Naku". Ang album mula sa Viva Records ay naglalaman din ng "Mr. Pogi".

For booking inquiries, call Backroom, Inc. at 435-1108, 435-1120, 435-1098, fax.

Inquiries at 928-0717 or email at backroom@nsclub.net.

Show comments