3 buwan lang ang soap opera ni Regine

Ang ganda-ganda ni Regine Velasquez sa suot niyang wedding gown sa media launch ng kanyang bagong programa para sa GMA7 na pinamagatang Forever In My Heart. Kulang na lamang ay isang groom at makukumpleto na ang senaryo ng isang kasalan. May dalawang matitikas na lalaki na kapareha niya sa programa, sina Richard Gomez at Ariel Rivera pero, sa kasamaang palad ay pareho nang may sabit ang dalawa. At mismong si Regine ay hindi alam kung kanino siya mapupunta sa ending ng istorya.

"Baka magkaro’n ng dalawang ending, depende ito sa viewers, pareho naman silang lovable. Pero, ako gusto ko sila pareho dahil feel ko ang haba-haba ng buhok ko," sabi ng Asia’s Songbird na siya ring nakaisip ng konsepto ng istorya tungkol sa dalawang anghel na bumaba sa lupa na kung saan ay nagkahiwalay sila. Kwento rin ito ng tatlong puso na pare-parehong naghahanap ng tunay na pag-ibig.

Bagamat at nagsisimula nang intrigahin si Regine dahilan sa naging relasyon nila nun ni Ariel sinabi nito na "Good friends na lamang kami ngayon. Happy ako na nabigyan ako ng chance to work with him pero hanggang dun na lang yun, dead end, huwag na tayong umasa na may magaganap pang iba."

Si Regine si Angeline Sagrado, isang wedding planner na isang hopeless romantic, naniniwala ito sa soulmate at sa wagas na pag-ibig. Dalawang lalaki ang magpapatibok ng kanyang puso. Si Raphael Cruzado (Richard), isang lalaking may madilim na nakaraan pero magbabago ang pananaw sa ngalan ng pag-ibig at si Michael Bernabe (Ariel) kagalang-galang at galing sa magandang angkan pero pagdududahan ang lahat sa buhay niya pati ang babaeng nakatakda niyang pakasalan.

Tampok din sa serye na ayon kay Regine ay tatakbo lamang ng isang season o tatlong buwan ("Madaling magsawa ang mga manonood sa mga mahahabang kwento," aniya) sina Jennylyn Mercado, Mark Herras, Pinky de Leon, Juan Rodrigo, Freddie Webb, Jean Saburit, Pinky Marquez, Gabby
Eigenmann, Maureen Larrazabal, Cindy Kurleto, Krista Ranillo, Jackie Castillejo, Andrew Schimmer, Katrina Halili
at Janelle Jamer, sa direksyon nina Mark Reyes at Phil Noble.

Tinatayang ang Forever In My Heart ang magiging pinaka-romantikong teleserye na mapapanood. Pakikiligin kayo’t paiibigin ng bagong palabas.
* * *
Kung hindi n’yo pa nababasa ang librong "Purpose Driven Life" na sinulat ni Rick Warren, aba, tutulug-tulog kayo, mahigit nang 20 milyon ang nabibiling kopya nito at nagbibigay ng guidance purpose sa mga Kristiyano sa buong mundo.

Ang libro ay nagbigay buhay sa
Purpose Driven Ministries, isang international movement na naglalayong mapasok ang mga simbahan at ma-transform ito para maging Purpose Driven Churches. Layunin din nito na makapag-instill ng isang set of principles sa mga simbahan para magabayan ang mga Kristiyano.

Ang Purpose Driven Ministries ang nagbigay ng lisensya at karapatan sa
Star Records para magawa ang "Purpose Driven Life" album at ipaawit ito sa inspirational diva na si Jamie Rivera.

Si Jamie rin ang nag-produce ng album na nagtataglay ng mga awiting "Sino Ako" ni
Fr. Jose Castaneda, "I Offer My Life To You" nina Clair Cloninger at evangelist Don Moen, To Serve You Forever ni Jun Cruz at "Pinapangako Ko" ni Jamie na nilagyan ng musika ni Arnel de Pano.

Mayro’n ding track ang "Shout To The Lord" ni
Darlene Zschech na ini-record ng isang all-star cast na binubuo nina Sheryn Regis, Josh Santana, Divo, King, Sandara, Marinel Santos, Michelle Ayalde at Johann Escanan. Ang title track ay sinulat ng kapatid ni Jamie na si Jun Cruz.

Ang "Purpose Driven Life" album ay ipapamahagi worldwide.

Show comments