Sinusuwerte si Mark

Bagaman at marami ang nagtaas ng kilay nang mabalitang kay Mark Bautista ipagkakaloob ng Viva Films ang major male lead sa pelikulang Lastikman na magiging entry nito sa Manila Film Festival, walang gaanong agam-agam ang magaling na singer na pumangalawa kay Sarah Geronimo sa Star For A Night. He did not seek the role. It literally fell on his lap, isang swerte na hindi dumarating sa lahat.

"Kaya nagpapasalamat ako sa Diyos, at sa mga taong patuloy na sumusuporta sa akin," sambit ni Mark.

Bilang pasasalamat, nung 21st birthday niya, nag-celebrate siya sa White Cross Children’s Home. Dumating ang mga magulang niya mula Cagayan de Oro na lalong nagbigay ningning sa kanyang pagdiriwang.

"Naniniwala ako na dapat kong ibahagi ang mga swerte na dumarating sa akin ngayon. At ang mga kapuspalad na mga bata ang naisipan kong pasayahin," dagdag pa ni Mark.

Nag-a-advance taping na si Mark para sa Sarah: The Teen Princess bilang paghahanda sa pag-alis niya sa buwang ito para sa Night of the Champions tour. First time niya ito sa abroad na kung saan ay may shoot din siya para sa kanyang music video sa LA, California.
* * *
Unti-unti nang ipinakikita ni Ayen Munji Laurel na nakatakda siyang maging isang malaking singer sa malapit na hinaharap. Hindi lamang pinili ang mga awit na nakapaloob sa kanyang 2nd album, ang "Thankful" na ang carrier single na "Kailan Nga Ba?" ay napakabilis ng pag-akyat sa popularity chart, ginawan pa rin ito ng isang retro music video kasama ang lalaki sa Citibank commercial na si Corey Wills. Ang video ay dinirek ni Sockie Fernandez ng Brew Productions.

Bagaman at nakasisiguro na ang album dahilan sa mga magagandang awitin na nakapaloob dito, pumayag si Ayen na i-promote ito sa pamamagitan ng isang serye ng mga palabas sa malls. Nasa Podium siya sa Set. 10 (6NG), Alabang Town Center, Set. 17 at Shangri-La Plaza Mall, Set. 24. Hindi lamang isang promo show ang inihahanda ni Ayen para sa mga manonood sa kanya, kundi isang natatanging musical show, parang isang concert. Ang tanging kaibhan nga lamang ay libre ito sa publiko.

Sa Nobyembre 19, mapapanood si Ayen sa isang special concert sa GSIS theater.
* * *
Naglabas na ang BMG Music Philippines ng collector’s edition soundtrack ng matagumpay na Baby The Musical. Ang CD soundtrack na handog ng Globe Platinum ay nagtatampok sa dalawang international superstars, sina Lea Salonga at David Shannon.

Sino ba ang hindi nakakakilala sa ipinagmamalaking Pinay na gumagawa ng pangalan sa abroad. Pero, si Shannon ay hindi pa natin kilala bagaman at gumanap na ito ng lead roles sa Miss Saigon, Jesus Christ Superstar at The Beautiful Game na kung saan ay nabigyan siya ng Laurence Olivier awards nomination. Siya rin ang asawa ng isa pang napaka-galing na Pinay, si Ima Castro.

Sa CD inawit ni Lea ang "Two People In Love" (kasama si Shannon) at "The Story Goes On".

Kinanta naman ni David Shannon ang "I Chose Right".

Si Gerald Salonga ang nagsalin sa CD ng musika ng Baby sa tulong nga mga batikang musikero na tulad nina DJ Francisco sa biyulin, Apolonio Disimulacion sa horn, Ed at Tina Pasamba sa cello at iba pa.

Ang Baby The Musical ay itinanghal sa Meralco Theater.

Show comments