ABS-CBN election plug, winner sa "Golden Dove"

Isa sa mga huling radio plugs na ginawa ng yumaong broadcast journalist na si Frankie "Ka Kiko" Evangelista ay nagwagi sa nakaraang 13th KBP Golden Dove Pre-Awards. Ang radio plug na ito na pinamagatang "Tango" ay nanalo ng "Outstanding Service Announcement."

Ang eleksyon ang paksa ng "Tango," na likha ng ABS-CBN Creative Communications Management Division para sa Election Campaign ng DZMM Radyo Patrol Sais Trenta. Nagsimula ang on-air election campaign na ito noong October 2003. Kakaiba ang konsepto sa likod ng plug, na ginamit na inspirasyon ang kasabihang "it takes two to tango." Mula sa inspirasyong ito, hinimok ng "Tango" ang mga nakikinig upang bumoto ng maayos. "Nakasalalay ang tagumpay ng eleksyon sa dalawang mananayaw, ang botante at kandidato," ani Ka Kiko sa plug. "Kung marunong ang boboto at magaling ang kandidato, eh ‘di maayos ang sayaw at maiiwasan ang pagkakamali."

Si Faith Zambrano ang producer ng plug at kasama sa production team, ang sound editors na sina Alvin Mendoza at Alvin Jay Virtucio at production assistants na sina Obet Eugenio at Bernny Lledo. Sinupervise naman ang produksyon ng "Tango" nina Cindy de Leon, Bing Palao, Johnny de Leon at Peter Musngi.

Show comments