Alisin ang monopolyo sa MMFF !

May isang insider na nagkwento sa amin, nagsisimula na palang mag-usap ang mga producers ng pelikula tungkol sa darating na Metro Manila Film Festival sa buwan ng Disyembre. Marami na nga ang nagtatanong, ano na naman kaya ang kalalabasan ng film festival na yan? May makakapasok na naman kayang mga pangit na pelikula? Kung minsan kasi pinapayagan nila kahit na pangit ang pelikula, dahil sa paniniwala nilang kahit na pangit iyon ay may batak naman sa takilya. Pero iba na ang audience ngayon. Kahit na malaki pa ang artista, kung pangit ang pelikula, hindi na sila nanonood. Bakit pa nga ba sila manonood ng pangit na pelikula eh sa mas murang halaga ay makakapanood ka na ng mga magagandang pelikula sa video?

May isa pang nangyayari riyan sa Metro Manila Film Festival nitong mga nakaraang taon. Nagkakaroon ng monopolyo. Hindi namin malaman kung bakit pinapayagang festival committee noon ang pagpasok ng mga pelikulang ang producers ay iisa. Nagpapalit palit lamang sila ng pangalan, pero alam na alam naman sa industriya na sila-sila din yon. Tapos yong mga independents na may kakayahan rin namang gumawa ng mahusay na pelikula, hindi makalusot. Hinahabol kasi nila iyang playdate ng Pasko, dahil sa panahong ito, maraming pera ang mga bata, kahit na basurang pelikula kumikita kahit na papaano. Pero kukunsintihin ba natin ang ilang malakas para makapagpasok ng maraming pelikula sa festival, samantalang yong iba ay ni hindi mabigyan ng pagkakataon? Tama ba yong dahil malalaking producers sila ay ibibigay na sa kanila ang lahat ng pabor?

Yan ang pagkakamali ng nakaraang mga festival committees. Yang monopolyo ang hindi na talagang dapat na maulit.
* * *
Hindi namin akalain na ang isang napakagandang silent movie na ginawa noong 1928, iyong Passion of Joan of Arc, na ginawa ng direktor na si Carl Dreyer ay mapapanood pa namin. Kung i-describe yan ng DVD and Video Guide, ay isa sa pinaka-magandang pelikula sa lahat ng panahon. Kaya nga ang laki ng tuwa namin nang makakita kami ng smuggled copy ng pelikula sa Virra Mall sa Greenhills.

Bukod diyan, nakumpleto na rin namin ang mga pelikulang ginawa ng henyong direktor na si Akira Kurosawa. Ngayon, iniipon naman namin ang mga pelikula ng Italyanong si Federico Fellini. Bigla rin, nakumpleto namin ang mga pelikulang ginawa ng komedyanteng si Charlie Chaplin, dahil sabay-sabay na lumabas sa smuggled video ang kanyang mga pelikula, maliban sa isa, yong The Kid.

Laganap talaga ang video piracy at video smuggling ngayon. Ikinatutuwa naman yon ng mga kolektor, pero bagsak na lalo ang pelikula at legal na video dahil diyan.
* * *
May nude pictorial daw na nasa kamay ng blind item queen na si Wendell Alvarez ang isang baguhang male star na naka-kontrata na yata sa isang TV network. Noong araw daw kasi ay talagang payag itong mag-bold, makapag-artista lang. Kaya naman nagkaroon siya nang ganoong pictorial. Pero siguro sa katayuan niya ngayon ay pinagsisisihan na niya ang pictorial na yon. Aywan kung ano ang gagawin niya oras na kumalat ang mga nasabing pictures.

Show comments