Dahil sa 25 taon na niya sa showbiz bilang isang sikat na mang-aawit ay naisipan naman niyang bigyan ng pagpapahalaga at ispesyal na araw upang makapiling niya ang kanyang mga tagahanga. Marami ang nagsidating na puro malalapit niyang mga kaibigan at fans. Panauhin din ang magiliw na si Candy Pangilinan bilang host. Nagkaroon din ng pa-raffle na ang mga premyo ay mga CDs at ilang mga personal na gamit ni Kuh tulad ng sunglass, handbag, mga damit, Swatch watch, jacket, teddy bear at kung anu-ano pa. Ang okasyon ay bilang pasasalamat na rin niya sa matagumpay na tour concert nilang dalawa ni Ms. Nora Aunor sa ilang panig ng Amerika. Ang kanilang show ay tinawag nilang Power of Two.
Pagkatapos ng panahon ng kampanya at eleksyon ay ang concert na ang inatupag ng dalawa. Matagal din ang inilagi nila sa Amerika at kailan lamang sila nakabalik ng Pilipinas. Agad hinarap ni Kuh ang kanyang business, ang pagpapatakbo ng Republic of Malate.
Magbabalik sina Kuh at Nora sa Amerika upang ipagpatuloy ang kanilang series of shows sa ibat ibang panig ng USA. Nakatakda silang umalis sa unang araw ng August. Aabot umano ng walo pang shows ang kanilang bubunuin doon at lalo pa raw nilang pagbubutihin, lalo na umano siya dahil ayaw daw niyang masapawan siya ni Nora na alam niyang wala pa ring kakupas-kupas ang galing sa pag-awit at showmanship. Plano pa rin daw pala nilang dalawa ni Nora na gumawa ng pelikula pagkatapos ng kanilang tour. Isa umano itong exciting project para sa kanya. LUZ CANDABA