May Starex na si Miss USA !

Ito ang madalas kong itawag kay Melissa Ricks, isa sa mga 10 Questors ng Star Quest at nakasama sa limang pinagpilian sa finals. Mas madali ko kasi itong tandaan kesa naman yung family name niya na madalas kong makalimutan kahit ilang ulit na niyang sinabi sa akin.

Kapag sinabi kong Miss USA, si Melissa na yun, ang 14 na taong gulang at may katangkarang teenager na lumaki sa pangangalaga ng kanyang lolang Kana na hindi marunong mag-Tagalog pero siya ay napakatatas sa lenggwahe ng kanyang ina na isang Pinay.

Sa San Diego, California isinilang si Melissa, Mel sa kanyang mga kaibigan at Nini sa kanyang pamilya sa dahilang pinaka-bata siya sa kanilang magkakapatid. Na-assign ang kanyang ama dito sa Maynila bilang manager ng isang Price Mart store at isinama nito ang buo niyang pamilya, including Melissa na naging matagumpay naman sa kanyang pagsali sa Star Circle Teen Quest.

P100,000 ang cash money na tinanggap nito. Sa halagang ito ay nakabili na siya ng isang sasakyan, isang Starex. ("Dinagdagan ng parents ko ang pera ko para di na ako nagta-taxi") at naibili pa niya ng cellphone ang isa niyang kapatid. "Pag nakaipon ako, gusto kong bumili ng isang Shitzu (isang breed ng aso)," sabi ng isa sa 10 na mapapanood na sa SCQ Reload OK Ako simula sa Lunes, Hulyo 12. Para sa kanya, isa itong venue para ma-apply niya ang mga natutunan niya at mga experiences niya sa quest. Ginagampanan niya ang role ng resident smart gal ng kanilang grupo.

Ang SCQ Reload OK Ako ay isang dramatic showcase tungkol sa mga true-to-life characters. Gagamitin ng 10 Questor (Sandara, Roxanne, Joross, Melissa, Neri, Michelle, Joseph, Raphael at Errol) ang kanilang mga tunay na pangalan sa palabas na ididirek ni Laurenti Dyogi, isa sa mga naging hurado sa Star Circle Quest. Co-director niya si Bb. Joyce Bernal. Headwriter si Chris Violago at writer nito si Ted Boborol.
* * *
Dalawang bold stars ang inaasahang babanat nang husto sa mga huling buwan ng taong 2004.

Ang isa ay si Rizza Rossini, tubong Iloilo City at isang med tech student ng San Agustin University pero, huminto pansamantala para hanapin ang kanyang kapalaran sa pelikula, sa pamamagitan ng paglabas sa mga sexy at daring roles.

Palabas na ang kanyang unang pelikula, ang Kainan sa Highway na bagaman at nagtatampok kina Maye Tongco at Nika Madrid ay hindi naging dahilan para hindi mapansin ang presence ng bagong si Rizza sa pelikula.

Ang isa pa ay si Rose Valencia na pagkatapos daw ng kanyang pelikulang Makamundo ay lilisanin na ang showbiz para mag-asawa?

"Ang pagpapakasal ay makapaghihintay pero, ang movie career ay isang beses lamang. Kapag iniwan ko ito ay mahihirapan na akong bumalik o baka nga hindi na," sabi niya.

Bagaman at seryoso ang panliligaw sa kanya ng kanyang constant date ngayon at sinasabing may mataas na posisyon sa gobyerno, sinabi ni Rose na "Maraming umaasa sa akin. Hindi ko sila pwedeng iwanan basta-basta."

After Makamundo, gagawin niya ang Hawla para kay Direk Baldo Marro. May movie rin siya sa Wild World Cinema. Nakapasa rin siya sa audition para sa isang international movie ng Axantis Productions, Inc. na iso-shoot all over Asia.

Magpo-prodyus sila ni Tracy Torres ng isang fashion show sa September sa Music Museum.
* * *
veronicasamio@yahoo.com

Show comments