Sexy star, pinag-tripan ang macho dancer

Minsan ay nagtungo ang isang sikat na sexy star sa isang pamosong gay bar. Kasama nito ang mga barkadang kaibigan.

Nag-inuman ang grupo at nalasing ang magandang sexy star. Nagtungo ito sa dancefloor at hinila ang isang guwapong macho dancer. Nagulat sila nang halikan niya ito nang lips-to-lips at tumagal din ito ng ilang minuto. Para kang nakapanood ng pelikula ayon sa isang source.

Mahilig gumawa ng gimik ang aktres kaya naging kontrobersyal pero ngayon ay unti-unti na siyang nawawala sa eksena.
Balak Magtayo Ng Sariling Foundation
Matagal na rin sa showbiz si Rufa Mae Quinto pero hindi siya nilamon ng maling sistema sa showbiz. Sa malaking tagumpay na nakamit bilang artista ay never pang lumaki ang ulo nito. "Marunong akong makisama sa lahat at never pa akong nairita kahit may problema ako. Sinasarili ko na lang ito," aniya.

Inamin nito na wala siyang tulog sa rami ng commitment. Tuwing Miyerkules, Huwebes at Sabado ang taping nila ng Marinara; Lunes sa Bubble Gang; Martes sa Idol Ko si Kap. Friday dapat ay pahinga na nito pero may rehearsal naman siya sa SOP.

Kapag linggo ay mayroon siyang SOP pero may panahon naman siya para makapagsimba. Kapag nahuli sa misa ay nagdarasal na lang siya. At pag nakalibre sa hectic schedule ay naglalaro ito ng badminton, natutulog o kaya’y nagpapamasahe.

Nasaan naman si Rudy ngayon? "Nasa States siya at sa Agosto pa ang uwi niya, kaya nakakapag-concentrate ako sa aking trabaho," anang aktres.

Kapag naaalala nito ang kanyang yumaong ama ay nalulungkot siya at minsan ay naiiyak pa. Kasi bago ito namatay ay naglambing na sana’y bumili na siya ng bahay at sasakyan. Bumili nga si Rufa Mae pero namatay naman ang ama kaya hindi na niya ito nakita. Sa Agosto 1 ay ikalawang taon ng pagkamatay ng kanyang ama.

Maraming pinag-aaral si Rufa Mae. Dalawa silang magkapatid na tunay at pito sa mother side. Napatapos na niya ang kanyang pinsan ng Communication Arts sa Letran at isang kapatid na lalaki sa ina sa Colegio de San Lorenzo sa kursong B.S. Management. Ang dalawa pa niyang kapatid ay nag-aaral naman ng Fine Arts sa University of the Philippines at ang isa’y sa Ballet Manila.

Ang dalawa pa niyang nakababatang kapatid ay pinag-aaral rin niya. Ang isa’y Grade IV sa Montessori at third year high school naman ang nagdo-double sa kanya sa pelikula na nag-aaral sa St. Vincent School sa West Ave.

Sa kasalukuyan, nagbabalak itong magtatag ng sariling foundation gaya ng pagbibigay ng scholarship sa mga batang mahihirap na may sapat na talino ngunit kapus sa pera.

Samantala, ang Marinara ang may pinakamataas na rating ngayon sa mga teleserye sa Syete, 25%. Hindi sila apektado sa intrigang bilasa na ang soap opera.
Walang Delikadesa Sa Trabaho
Naging nega ang dating ng direktor na si Erik Salud at nagmistula itong hunyango–ang pagpapalit ng kulay mula Kapamilya to Kapuso to Kapamilya uli. Kailangang mag-damage control ang Syete dahil kasamang inilipat ni Salud sa kabilang istasyon ang mga plano, konsepto at actual na script sa bagong show ng Kapuso Network, ang Mulawin. Hindi maganda ang ginawa nito nang tanggapin ang alok ng Syete na idirek ang Mulawin at sumama sa mga brainstorming sessions ng network para sa buong taon ngayong plano pala nitong bumaligtad at bumalik sa kabilang istasyon.

Hindi mo tuloy masisisi ang ilang tao na isiping si Salud ang naging ispiya ng Dos sa ilang buwang inilagi niya sa Syete. Napakarami nang nalaman nitong confidential plans ng Syete kaya kinakilangan na nitong umalis bago pa matunton na siya ang nag-leak ng information sa kalabang istasyon. Hindi kaya? Kung totoo man ito, dapat lang talagang maparusahan si Salud at ikondena ang kawalan nito ng delikadesa sa trabaho.
Nagsisi Sa Pagpapa-Tattoo
Gusto nang ipatanggal ni Dennis Trillo ang kanyang tattoo sa kanang braso. Nagsisisi ito kung bakit nagpalagay pa siya ng tattoo noong nasa high school. Mahilig kasi ito sa metal at rock bands pero ngayong kinuha siyang mag-model ng Perfect U ay mabubura na ito.

Malakas ba siya sa Syete? Ayon sa aktor ay wala namang palakasan sa GMA 7 kundi sinwerte lang siya dahil sa pagmamahal sa trabaho at husay ng pakikisama.

Itinutukso silang dalawa ni Angel at iniintrigang siya na ang ipinalit ng magandang aktres sa umanoy nobyong si Miko Sotto.

"Magkaibigan lang kami at kung lumabas man kami gaya nang panonood ng Shrek 2 ay may kasama kaming iba," paliwanag ni Dennis.

Show comments