Dan Fernandez,baka maging gobernador pa rin

Maraming taga-showbiz ang nalungkot nang mabalitaan na natalo sa kanyang bid para maging gobernador ng Laguna ang aktor na si Dan Fernandez.

Hindi lamang kabataan, sa mga pulitiko, bata pa ang edad na 38, si Dan, kundi marami pa ring magagandang ideya ito para sa kaunlaran ng kanyang probinsya. Maganda naman ang kanyang naging record bilang konsehal at pagkatapos ay bise gobernador. Naka-isang termino lamang siya sa huling posisyon na hinawakan nang magpasya siyang tumakbo bilang gobernador. Pero, natalo nga lamang siya.

Kontento na sana sa kanyang naging kapalaran si Dan nang tawagan ang kanyang pansin ng kanyang abogado dahilan sa maraming pagkakamali na nakita nito sa mga election returns na isinumite sa kanila ng kanilang mga watchers. Sa isang pananaliksik at pag-iimbestiga na kanyang isinagawa mga isang buwan at kalahati na ang nakalilipas, simula nang magtapos ang bilangan sa ginanap na eleksyon, sa mahigit na 7,000 presinto na kanilang nagalugad, mahigit sa 3,000 ang may nasilip na malaking pagkakamali at hindi nagbigay ng tamang resulta. Ito ang naging dahilan kung kaya nag-file ng suspension of proclamation si Dan sa COMELEC na agad naman nitong inaksyunan, kung kaya sa bisa ng pag-uutos mula sa Komisyon ay sinuspindi ang proklamasyon na isinagawa para sa nanalong gobernador.

Confident si Dan na pinaka-matagal na ang anim na buwan para maresolba ang kanyang kaso.

Mula sa angkan ng mga pulitiko si Dan. Lolo niya ang dating Senador Estanislao Fernandez, ang kanyang ama ay isang dating konsehal at ang isang kapatid niya ay dating humawak ng posisyon ng vice mayor.

Kasal siya sa isa ring artista na si Shiela Ysrael, may tatlo silang anak. Pareho silang hindi na gaanong aktibo sa pag-aartista, si Dan dahil sa pulitika, si Shiela dahil may mga negosyo na itong inaasikaso.
* * *
Kita mo nga naman, hindi na mga second hand info ang nakuha natin sa mga hinangaan nating mga American Idols na sina Camille Velasco at Jasmine Trias na nalaman nating may mga dugong Pilipino dahil pinagsadya sila mismo ni Cheche Lazaro sa Hawaii para sa isang episode sa The Probe Team Documentaries na napanood natin kahapon. Di ba bongga ang naging presentasyon? Ang dami nating nalaman tungkol sa dalawa. But then, ito naman talaga ang tatak ng isang Cheche Lazaro, di ba? Alam niya ang lahat ng gusto nating malaman tungkol sa dalawa, di ba and more pa!
* * *
Nagsimula na ang search for Miss Tropical Philippines. Second year na nila ito. Iniimbita ang mga interesadong estudyante, may edad 15 to 20, may taas 5’2’’ pataas, may magandang ugali at reputasyon.

Pangunahing tema ay kumbinasyon ng katalinuhan, kagandahan at talento.

Hindi lamang ito patimpalak ng kagandahan, layunin din ng paligsahan na maipaunawa sa mga kabataan ang mga nangyayari sa kanilang paligid at maipadama nila ang kanilang hangaring makatulong sa mga batang kapuspalad. Dahil dito, ito ang magiging benepisyaryo ng paligsahan at magkakaro’n sila ng outreach program sa San Martin de Porres Child Care Center Foundation.

Sa mga interesado, tumawag lamang sa 9290208 at hanapin si Ms. Sunshine Espiritu. Kailangan ding magdala ng biodata, dalawang larawan (close up at full body).
* * *
Humakot ng awards mula sa 37th Annual US International Film and Video Festivals na ginanap sa LA ang ilang public affairs specials at mga episodes ng I-Witness ang GMA News and Public Affairs.

Tumanggap ng
Silver Screen Award, pinakamataas na parangal sa festival ang GMA News and Public Affairs para sa Sa Pusod ng Iraq na pinangunahan nina Mike Enriquez, Jiggy Manicad at Howie Severino.

Ginawaran naman ng Certificate of Excellence ang
Basurero, Ginto ng Dagat, Rido, Taong Grasa at Alipin, mga palabas ng I-Witness. Ang Basurero ay napiling isabak para sa Magnolia Award.

May ganito ring sertipiko ang mga specials ng GMA tulad ng
Pilipino sa Kuko ng Terorismo at ang short docu-drama ni Ellen Ongkeko Martil na Walang Bakas.

Ang
US Int’l Film and Video Festival ay isang taunang awards competition na itinatag nung 1968 at isa sa kinikilalang pandaigdigang parangal na kumikilala sa pinaka-mahuhusay sa Business, TV, Documentary, Entertainment, Industrial at Informational productions.

Show comments