Saan nga ba napadpad si Shirley Fuentes?

Apat na taon na rin ang dumaan simula nang mawala sa eksena si Shirley Fuentes. Nag-decide siya noong tumigil na kahit kabi-kabila ang movie offers. Huling ginawa ni Shirley ang Pamilya Valderama katambal ni Phillip Salvador. Kaya lang, kasunod na iniaalok sa kanya ay mga bold roles. Noon kasi’y nagsisimula na ang trend ng ganoong pelikula.

Hanggang dumalang ang alok ng pelikula. Kaya ibinaling niya ang kanyang sarili sa pagkanta. Mahusay na singer si Shirley. Isa nga siya sa mga magagaling noon sa That’s Entertainment kung saan galing din siya. Hindi mapapasubalian ang husay niya ng Alpha Records, inalagaan at naging recording star siya ng kumpanya.

Pero hindi nagtagal ay nanamlay ang kanyang recording career dahil na rin sa kanyang pagpapabaya. Isa kasi si Shirley sa mga babaing basta na-in love ay nakakalimutan na ang lahat. Naging masalimuot ang kanyang love life. At para makabawi, dahil lumiliit na ang kanyang pagkakataong kumita sa ‘Pinas ay tinanggap niya ang alok na mag-show sa Japan. Doon ay kinilala rin siya bilang mahusay na singer. Kumita siya ng maganda.

Mula Japan ay nag-venture din siya sa Korea dahil kinikilala na rin doon ang galing ng mga Pinoy entertainers. Doon niya nakilala ang ayon sa kanya’y "tunay niyang pag-ibig." Pilipino rin ito, taga-Balagtas, Bulacan pero Korea based dahil may magandang negosyo ang binatang ito roon. Kaya si Shirley ay pabalik-balik sa Korea-Japan-’Pinas.

Kung mabibigyan siyang muli ng pagkakataon sa pelikula, handa na siyang tumanggap ng mga challenging roles, kahit na kontrabida. — Mimi Citco

Show comments