Jolina Magdangal, may 17 year-old na ka-MU

Medyo maitim si Lorna Tolentino nang makita namin kamakailan. Galing siya sa pagdyi-jet ski sa Zambales at mukhang nag-enjoy ito’t nagbabad sa tubig. Sermon ang inabot niya sa manager niyang si Lolit Solis dahil hindi raw bagay sa kanya ang maitim.

Naloloka pala si LT dahil bawat makasalubong niya’y sinasabing masama siya batay ito sa character niya sa Hanggang Kailan. Pero, malapit na raw bumait si Valerie (character) niya at kaaawaan siya ng viewers. Hanggang August na lang ang teleserye at six taping days na lang sila. Ayaw nitong sabihin kung ano ang ending ng teleserye, basta subaybayan na lang daw.

Hindi mababakante si LT kapag nagtapos ang Hanggang Kailan dahil siya ang host ng 30 Days, ang life-changing reality show ng GMA-7 na magsisimula ngayong Lunes. Ito ang papalit sa StarStruck Kids. Perfect choice ang actress to host the show dahil maganda siyang halimbawa ng artista na may staying power at active pa rin sa showbis hanggang ngayon.

Hindi pa nami-meet ni LT ang former stars na magiging finalists ng reality show dahil hindi pa siya nagti-taping. Pero, tinitiyak nitong gagayahin ng ibang TV station ang show at sigurado raw na magki-klik sa televiewers.

Si Lino Cayetano ang director ng 30 Days na ang kuwento sa amin, napaiyak nang makita ang 1st batch ng mga contestant. Sina Christopher de Leon, Director Joel Lamangan at isang talent manager, ang judges ng programa.
* * *
Ang lakas ng tawa ni Jolina Magdangal nang aming tanungin kung totoong bukod sa special someone niya sa Amerika’y may ka-Mutual Understanding siya rito na ang edad ay 17-year-old.

Siyempre, nag-deny ang singer-actress pero, ayaw bawiin ng aming source ang kanyang ikinuwento. Anak daw ni Tess Celestino, TV producer ang ka-MU ni Jolina na ang pangalan ay nagsisimula sa letter J. May mga nagtanong na kay Tessie tungkol dito at gaya ni Jolina, tawa rin ang kanyang isinasagot.

Curious kaming malaman kung paano nagsimula ang relasyon nina Jolina at J pero, ayaw nitong magsalita. On the other hand, hindi nito idini-deny na may nagpapasaya sa buhay niya ngayon. Narinig pa namin siyang nagkukuwento na mahirap mag-work ang isang long-distance relationship. May gusto kaya siyang tukuyin?

Ano kaya ang puwedeng itawag sa relationship nina Jolina at J? Nine years ang pagitan ng edad nila’t 25 years old na si Jolina. Mako-consider na kaya itong May-December romance?
* * *
Nagpatulong kay Lhar Santiago ang Dyna Records para makuha si Angel Locsin. Gusto nilang gawing recording star ang young actress pero, ang alam namin, hindi kumakanta si Angel at kung kumanta man ay pang-promo lang.

Alam daw ng mga taga-Dyna na hindi talaga singer si Angel at willing silang mag-undergo ito ng voice lesson bago mag-recording. Na-inspire siguro sila sa Universal Records na ginawang recording star si Rainier Castillo kahit hindi singer.

Nakapag-recording na ng ilang songs si Rainier para sa kanyang debut album pagkatapos ng ilang linggong voice lesson sa kinuhang music teacher ni Bella Tan. Nang i-record nito ang first song niyang "I Love You Babe" ay nasa tabi niya ang composer nitong si Lito Camo.

Hindi namin alam kung nakausap na ng taga-Dyna Records si Angel o ang manager nitong si Becky Aguila. Ngarag pa kasi si Becky dahil sa pagbubuntis ni Valerie Concepcion kaya, ‘di makausap at ayaw sagutin ang phone calls sa kanya.
* * *
Hindi na apektado ang TV host-actress kahit ipinangangalandakan ng kanyang ex-husband ang girlfriend nitong artista rin. Hindi na rin siya nasasaktan sa mga pahayag ng dating asawa na mas mahal niya ang gf ngayon kesa sa kanya.

May rason ang pangdi-dedma ng TV host-actress sa patuloy na pananakit sa kanya ng dati niyang asawa. May bago siyang pag-ibig, isang law student ng isang sikat na law school. Gwapo’t mas bata sa kanya ang lalake pero, mahal na mahal siya pati ang kanyang anak.

Pati pamilya ng lalake’y tanggap ang TV host-actress at hindi sila tututol kapag nag-decide na magpakasal sila ng kanilang anak.
* * *
Naawa kami kay Mariz nang mabalitaang iniyakan nito ang pagpu-pull out ng ilang sinehan sa pelikula nilang Mano-Mano 3 Arnis…The Lost Art. Walang masyadong nanood sa pelikula dahil pangit ang post-production nito. Kadalasan ay out of sync ang dubbing at kung anu-ano pang kapalpakan ang dinanas ng pelikula.

Co-producer sina Mariz at Ronnie Ricketts nang nasabing pelikula at umaasa silang makabawi kahit puhunan man lang para tuluy-tuloy ang paggawa nila ng pelikula. Inisip din ng mag-asawa na sa pamamagitan nang muli nilang pagpo-produced ay unti-unting mabawi ang P5M nilang savings na nadali ng pyramid scam.

Ang dinig namin, magpapa-print na lang uli si Ronnie ng ilang kopya at sa ibang processing company na. Balak pa naman nitong i-release sa ilang parte sa Amerika ang pelikula kung saan kilala ang arnis.
* * *
Hindi nakaya ng powers ng Sexbomb Girls ang Mangarap Ka ni Piolo Pascual, kaya, ibinalik sa dating time slot ang Daisy Siyete. Kaya ngayon, after Eat Bulaga na uli napapanood ang soap opera ng grupo.

Sa unang araw lang ng 5:30 pm time slot tumaas ang rating ng Daisy Siyete at tinalo nito ng 3% ang Mangarap Ka. Pero, sa sumunod na mga araw, inilampaso ang soap opera ng Sexbomb Girls. Napako ito sa 17%, samantalang ang soap opera ni Piolo ay umabot sa 27% ang rating.

Hindi siguro type ng fans ng Sexbomb ang ginawa ng GMA-7 na pag-iba-iba ng oras ng programa. Ipinakita nila ang kanilang disgusto sa hindi nila panonood. Maganda na uli ang rating ng Daisy Siyete sa dati nitong oras.
* * *
Inilabas ng Startalk ang diumano’y third party sa relasyong Sunshine Dizon-Frank Garcia. Isang TV commercial model ang babae na ang kuwento sa amin ay kasama ni John Lloyd Cruz sa isang whitening soap TV commercial. Matagal na raw kilala ni Frank ang babae’t pareho yata sila ng ad agency.

Nakita na ni Sunshine ang babae sa Mojo Gym kung saan sila nagdyi-gym ni Frank. Naalala nitong may babaing tingin nang tingin habang nagbo-boxing sila ng boyfriend, ‘yun na pala ang girlash na ang pakilala’y siya talaga ang girlfriend ni Frank at ginagamit lang nito si Sunshine para sumikat.

Hindi pa naman nakakaapekto sa relasyon ng dalawa ang pagsulpot ng babaing nagki-claim na gf ni Frank. Ayaw ngang i-entertain ni Sunshine ang mga tanong tungkol sa babae, kaya pala nang i-text namin ito’t tanungin tungkol sa tsismis ay dinedma kami.

Incidentally, confirmed nang isa sina Sunshine at Frank sa three celebrity couples na magpa-participate sa Extra Challenge na gagawin sa Thailand. Sa June 30 ang alis ng grupo at sa July 2 ang kanilang balik.

Show comments