Sandara Park,nagdala ng ulan sa isang magarbong blessing

Sayang, dahil matagal na hinintay ng napakaraming panauhin ang musical number ng napakasikat ngayong Koreana na si Sandara Park na hindi pa natatapos ang unang awitin nito ay biglang bumuhos ang napaka-lakas na ulan. Sayang talaga sapagkat kasunod ng kanyang numero ang duet nila ni Hero Angeles at pagkatapos ay ang matagal na pinaghandaang fashion show na ang mga modelo ay mga nagseseksihang artista, ramp models at beauty queens.

Nagkanya-kanya na ng takbuhan ang lahat na pawang naka-dressed to kill pero lahat sila ay nabasa ng ulan kahit pa naka-silong sila sa mga naglalakihang tent dahil nga sa lakas ng ulan ay pinasok nito ang mga pinagsisilungan nila.

May nakaalalang bigyan ng payong si Sandara na itinuloy ang pagkanta kahit pa basa na ng ulan na agad ay sinamahan ni Hero sa stage.

Sa kabila ng pagkakatigil ng palabas, hindi nawala ang ngiti sa mga labi ni Ellen Lising. Marami ang dumalo sa kanyang mabonggang silver anniversary celebration ng Ellen’s Skin Care na kung saan ay ipinasara pa nito ang napaka-abalang Timog Ave. dahil sa kalye sila nagsalu-salo, nagbigay ng isang masayang palabas at tumanggap ng mga bisita na pinangunahan ng mag-asawang Senator-elect Richard and Mayor Kate Gordon.

Ang mga kasama sa panulat na sina Cristy Fermin at Richard Pinlac ang nagsilbing mga emcee.
* * *
Mga groom naman ang binigyan ng importansya sa palabas nung Linggo ng Beauty Plus na napapanood sa RPN9, 11:00 NU sa direksyon ni Cris Aquino.

Kung dati ay sa mga brides lamang nakatuon ang pansin sa mga palabas sa TV, mga lalaking ikakasal naman ang pinayuhan ni
Ricky Reyes, host ng programa, magmula sa kasuotan hanggang sa nababagay na haircut sa araw ng kanyang kasal.

May iba pang mga tips sa Beauty Plus para sa pangangalaga ng paa at spa massage.
* * *
Mapapanood ang baguhang singer na si Enrique Marcos sa isang men’s mini couture show na pinamagatang Men of Substance sa Linggo, 12:00 NT sa Atrium Lobby ng Shangri-La Plaza, Edsa. Si Enrique na binansagang "prince of love songs" ay mula sa London na kung saan ay nag-record ito ng isang album para sa Candid Records UK.

Pawang mga kilalang lalaki sa business, social at entertainment sectors ang magmomodelo ng mga suit at Barong Tagalog. Tulad ng mag-aamang Albert at Alfonso Martinez, USEC at journalist Robert at Robby Mananquil, Architect Johnny at Franco Hubilla, businessman Joey at Paolo Mantolino.

Host si Raffy Ruiz sa Father’s Day event na ito na ang producer ay Bergamo.

Show comments