Sikat na singer,naglagay ng bangs para matakpan ang sobrang pagkakabanat ng noo ?

Naiintriga ngayon ang isang sikat na male singer dahil sa pagpapabotox nito. Napasobra ang pagkakabanat sa may bandang noo nito. Para hindi ito mahalata, naglagay na lang siya ng bangs.

Nag-iba ngayon ang itsura ng male singer pero, ayon sa mga kaibigan nito ay bagay naman ang kanyang ginawa dahil nagmukha siyang bata.

May nag-aakala na kaya ito ginawa ng sikat na male singer dahil nai-insecure ito sa boyfriend ng dating misis niya na isang sumisikat na TV star.
Shirley, Nagbabalik-Showbiz
Nakausap ko si Shirley Fuentes na naging co-host ni Kuya Germs sa Master Showman noong Sabado. Apat na taon din pala itong nawala pero lalo siyang gumanda at nagmukha pang bata kaysa dati. Seksi rin ito.

Una naming tanong, kung bakit nawala siya sa limelight?

"Uso kasi noon ang bold movies at marami akong natatanggap na offer para maghubad. Hindi ko naman masikmura ang ganitong gawain kaya kaysa mabakante sa paggawa ng pelikula, nag-concentrate na lang ako sa pagso-show sa Japan at Korea. Pabalik-balik ako ng Japan kapag tapos na ang anim na buwang kontrata. Nag-show din ako sa Korea kaya akala ng iba ay tuluyan na akong nag-quit sa showbiz," anang aktres.

Pinabulaanan din nito ang balitang may anak na siya courtesy ng isang Japanese boyfriend pero inaming may nobyo siya ngayon na taga-Balagtas, Bulacan.

Nami-miss nito ang pagharap sa kamera kaya gusto uling magbalik-pelikula. "This time, gusto ko naman Tita na subukan ang role ng isang kontrabida. Challenging kasi at di mauubusan ng raket," dagdag pa ni Shirley.

Huling pelikula ng aktres bago sumalang sa mga shows sa abroad ay Pamilya Valderrama na tinampukan ni Phillip Salvador.
Jessica, Nasigawan Din Ni Direk
Kasama sa Anak Ka Ng Tatay Mo ang dating sikat na sexy star na si Jessica Pica. Inamin nito na malaki ang na-improve sa kanyang acting dahil ilang beses din siyang nasigawan ni Direk Edd Palmos.

"Ngayon ko nalaman na kaya pala ganito kahigpit si Direk, dahil gusto lang niyang mapaganda ang aming trabaho kaya lumabas na maganda ang movie. Talagang napiga niya ako pagdating sa akting."
Richard, Mas Pinili Ang Siyete
Akala namin ay lilipat na si Richard Gutierrez sa Dos pero di natuloy dahil mas binigyan ng halaga nilang mag-ina (Annabelle Rama) ang magandang relasyon nila sa GMA 7. Katunayan, pumirma uli ng bagong kontrata ang aktor para maging Kapuso ng lahat.

Nagti-taping uli si Richard ng Kakabakaba Adventures sa bagong time slot na 6PM at sisimulan na ang soap opera titled Mulawin kung saan makakapareha nito si Angel Locsin. Silang dalawa ngayon ang ginu-groom na bagong magkapareha. Magsisimula silang mag-taping next week.

Sa kabilang banda, iniimbita kami ni Angel na dumalaw sa kanyang condo. Maganda ang pagkakaayos nito kung saan sila mismo ng manager na si Becky Aguila ang naging interior designer. Sabi nga ng manager, may taste ang kanyang alaga lalo na sa pagpili ng mga furnishings sa bahay.

Mas gusto ngayon ni Angel na mag-stay na lang sa condo kaysa gumimik sa labas kasama ang mga kaibigang artista.
Dyan, Out Na Sa Mutya Ng Pilipinas
Naibalita namin noon na sasali si Dyan Delfin sa Mutya ng Pilipinas Beauty Pageant. Pero hindi ito nanalo sa Buhay Beauty Queen last week. Hindi naman nasiraan ng loob ang dalaga at tinanggap nito ang pagkatalo ng maluwag sa dibdib.

Konswelo naman ng dalaga ang pagtatanggol ng rumored boyfriend nitong si Marc Nelson na nagsabing mas deserving pa siya kaysa ibang kandidata na pumasok sa coronation night.

Balik na naman sa Hanggang Kailan si Dyan at sinabing sasali pa uli siya sa beauty pageant ng Bb. Pilipinas balang araw.

Show comments