Best actress o box office queen ?

Noticeable na ang karamihan sa mga artista na lumalabas sa pelikulang Volta ay mga artista rin ng fantaseryeng Marina at ng malaking movie hit na Ang Tanging Ina. Hindi lang ito, pati ang direktor ng tatlong palabas ay iisa rin, si Wenn Deramas.

"Kaya nga click kaming lahat at naging madali sa amin ang pagtatrabaho sa Volta," panimula ng direktor, "dahil grabe ang naging bonding namin nung ginawa namin ang Ang Tanging Ina at pagkatapos ay ang Marina. Alam na namin ang nararamdaman ng bawa’t isa," dagdag pa niya.

Ang Volta ay isang fantasy movie na entry ng Star Cinema sa Manila Film Festival. Isa itong babaeng super hero, isang bagong iidolohin ng Pinoy at hindi isang banyaga na kailangan ng libong piso para makuha ang franchise at magamit. Lumilipad ito, nangunguryente dahil galing sa kidlat ang kanyang kapangyarihan.

Siya si Perla, isang mananahi na ginagampanan ni Aiai delas Alas. Mayro’n siyang dalawang kapatid, sina Percy (Justin Cuyugan) at Penny (Pauleen Luna). Tatlong ulit itong tinamaan ng kidlat na sa halip na mamatay siya ay nagkaroon pa siya ng super powers. Mayro’n siyang mortal na kaaway, si Celphora (Jean Garcia) na ang kapangyarihan ay nagmumula sa baterya. Gusto nitong makuha si Volta para masipsip niya ang kapangyarihan nito at magamit na source para sa kanyang masamang gawain.

Maraming kasama si Aiai sa pelikula, tulad nina Diether Ocampo, na gumaganap ng role ng kanyang love interest, Bobby Andrews at Onemig Bondoc, mga android na bading, Mura, ang sidekick ni Volta, Eugene Domingo, Chocoleit at marami pang iba. May ispesyal na partisipasyon si Boy Abunda.

Nang tanungin si Aiai kung umaasam siya ng best actress para sa kanyang role, sinabi nito na iniaasa na lamang niya ang lahat sa Panginoon. Pero, sinabi rin niya na mas gusto niyang kung hindi man siya maging best actress ay maging boxoffice queen siya at kumita ang Volta sa takilya.
* * *
Bago pa ang kanyang unang major concert na Birth Of A Diva na magaganap sa Music Museum sa Hunyo 15, 8:00 NG ay kilala ko na si Jeni Hernandez na nabigyan ng napakalaki at napaka-gandang break ng Smart sa pinaka-latest nitong commercial. Siya yung babae na sumampa ng mesa at super-giling at kembot sa saliw ng ringing tone na galing sa hawak niyang cellphone.

Hindi biro ang hirap at pagod ni Jeni nang kunan ang nasabing commercial.

"Inabot ako ng madaling araw sa kasasayaw. Mahirap, nakakapagod pero, dahil mahilig talaga akong sumayaw, okay na yung hirap. Worth it naman dahil maganda ang naging feedback ng commercial ko," pahayag ni Jeni na isa sa maituturing na pinaka-magandang singer.

Mula sa pamilya ng mga doktor si Jeni. Naiba lamang ang hilig niya at napunta sa pagiging isang performer. Ilan sa mga paborito niya at naka-impluwensya sa kanyang singing ay sina
Beyonce, Cristina Aguillera at Britney Spears. Kaya naman ang ilang songs na maririnig sa concert niya ay mga danceable hits. Magpapakita rin siya ng galing sa mga dance numbers na nakatakda niyang gawin.

Sa
Birth Of A Diva na produksyon ng X-Zone Entertainment sa direksyon ni Joven Tan ay susuportahan siya nina Randy Santiago at Troy Montero.

Makakabili na ng ticket sa Ticketworld o alin mang branch na National Bookstores.
* * *
veronicasamio@yahoo.com

Show comments